Home NATIONWIDE Grupo sa NAIA privatization: Serbisyo, ‘di negosyo!

Grupo sa NAIA privatization: Serbisyo, ‘di negosyo!

255
0

Manila, Philippines – “Serbisyo, hindi negosyo!”

Ito ang panawagan ng iba’t ibang grupo ng manggagawa, OFWs, at mga samahan ng pasahero na nagpahayag ng pagtutol sa isinasagawang pagsasapribado ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), na kasalukuyang pinangangasiwaan ng pribadong sektor sa ilalim ng kasunduang pinangunahan ng San Miguel Corporation.

Ayon kay Gilbert Bagtas, pangulo ng Samahan ng mga Manggagawa ng Paliparan ng Pilipinas (SMPP), nababahala ang kanilang hanay sa umano’y mabilis na proseso ng pagsasapribado. Aniya, tila hindi nabigyan ng sapat na konsiderasyon ang kapakanan ng mga manggagawa sa paliparan, gayundin ang mga ordinaryong pasahero, sa naturang kasunduan.

“Kami ang direktang maaapektuhan, ngunit wala man lang naging malawakang konsultasyon sa publiko,” saad ni Bagtas. Binanggit din niya na mula nang ipahayag ang plano noong Enero 2023, mabilis itong naaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) pagsapit ng Hulyo ng parehong taon.

Ipinunto rin ni Bagtas ang ilang insidente na lumabas sa media gaya ng umano’y mga daga at surot sa mga pasilidad ng NAIA, na ayon sa kanya ay posibleng naging dahilan upang bigyang-daan ang pagsasapribado.

Samantala, binigyang-diin ng grupo ang nilalaman ng Administrative Order No. 1, s. 2024, kung saan nakasaad ang mga karapatang ibinigay sa New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC), kabilang na ang pagtatalaga ng ilang non-regulated fees tulad ng parking, lounges, at rental ng mga tindahan. Dati-rati, nasa ilalim ito ng kontrol ng pamahalaan; ngayon, ang kita ay inaasahang mapupunta sa pribadong korporasyon.

Para kay Ka Leody de Guzman, kilalang tagapagtanggol ng karapatan ng mga manggagawa, ang pagsasapribado ng mga mahahalagang serbisyo ay matagal na niyang tinututulan. “Sa karanasan natin sa kuryente, tubig, at iba pang dating pag-aari ng gobyerno, nakita nating tumaas ang singil at lalong nahirapan ang mamamayan,” ani De Guzman.

Giit pa niya, ang pangunahing layunin ng mga pribadong kumpanya ay kumita, kaya’t hindi nakapagtatakang may posibilidad na malagpasan pa ng kita ang halaga ng orihinal na serbisyo.

Isinagawa ang naturang talakayan sa isang forum sa lungsod ng Parañaque. Kabilang sa mga dumalo at lumagda sa pagtutol ang National Confederation of Labor, Unlad Pamilya OFW, Political Officers League of the Philippines, BMP, Socialista, Samahang Manggagawa ng Paliparan ng Pilipinas, at Pinky Aksyon Inc. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here