Home OPINION REP TIANGCO BUMITIW KAY SPEAKER

REP TIANGCO BUMITIW KAY SPEAKER

233
0

TULUYAN na palang bumitiw si Navotas City Representative Toby Tiangco sa liderato ni House Speaker Martin Romualdez na dati niyang sanggang-dikit at kaalyado sa Kongreso.

Nito lang kasing pagbubukas ng 20th Congress kung saan mayorya ng mga kongresista ang nagbigay muli ng suporta kay Romualdez para manatili bilang Speaker of the House, naglabas din ng pahayag si Tiangco na hindi na niya kayang suportahan ang liderato ng HOR dahil sa nangyari sa 2025 national budget.

Sabi ng nag-iisang kinatawan sa kongreso sa Navotas, hindi raw dapat itong mangyari ulit kung saan katakot-takot ang ginawang pagkalikot sa budget para sa kasalukuyang taon.

Sinabi pa ni Tiangco na magsisilbi na lamang siya bilang independent member ng Kongreso bagama’t isa itong mahirap na desisyon.

Gayunman, kahit hindi madaling pagpasiyahan, hindi na rin naman ito bago kay Tiangco dahil noong Disyembre 2011 hanggang 2019 ay naging independent na rin siya at alam niyang mahirap tahakin ang ganitong uri ng landas.

Pagkatapos aniya ng State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos, ang pinakaimportanteng panukalang batas na tatalakayin ng Kongreso ay ang 2026 national budget.

Napakahalaga na maging maayos ang budget sa susunod na taon dahil dito nakasalalay ang mga proyekto, programa, at serbisyo para sa taumbayan, ayon sa mambabatas ng Navotas.

Giit niya, hind pwede ang dating sistema nang pagtalakay sa budget dahil sa kanyang paniwala, may mga kailangang baguhin sa proseso nang pagbuo ng budget na bukas sa mata ng publiko o maging transparent mula sa simula hanggang matapos.

Dagdag pa ni Tiangco na hindi na pwede ang mga nangyaring sikretong pagsisingit na items na nalilingid sa mata ng publiko kaya kalaunan, maging si PBBM ay nagsabi na hindi na niya makilala ang ipinanukala niyang budget dahil sa dami ng mga naisingit.

Naniniwala si Tiangco na magiging mas epektibo siya bilang independent dahil maisusulong niya ang mga reporma sa pagtalakay sa budget na hindi madedehado ang sambayanang Pilipino.

Mas nararapat talagang buksan sa mata ng publiko ang ginagawang pagtalakay ng Kongreso mula sa simula hanggang sa katapusan sa pagpasa ng 2026 national budget para malaman kung sino ang mga politikong nagsisingit ng bilyon-bilyong budget para sa kanilang lalawigan o distrito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here