Home OPINION ‘KILOS-PROTESTA’, ISANG ENTERTAINMENT SHOW

‘KILOS-PROTESTA’, ISANG ENTERTAINMENT SHOW

239
0

ISINUSULAT natin ito, hindi pa nagsisimula ang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., aka, ‘Baby M,’ kaya “irereserba” na lang natin ang ating komento at obserbasyon sa susunod na kabanata.

Ang hindi lang “bago” at naging “tradisyon” na nga, ay ang pagtitipon ng mga “makakaliwang grupo” upang tuligsain ang kahit na sinong administrasyon sa kahit na anong isyu na hindi pabor sa kanilang ‘agenda’— agawin ang poder ng kapangyarihan– para sila naman ang makapaghari at mang-api sa ating mga kababayan.

Noong ating kabataan (kung saan naging miyembro din tayo ng Kabataang Makabayan, KM, sa pamamagitan ng ‘League of Filipino Students, LFS, na isang prenteng organisasyon ng Communist Party of the Philippines), kasama tayo sa mga “nakikibaka” para sa “pambansang demokrasya” (National Democracy) ni Jose Maria Sison.

Subalit, nagbabago ang panahon; may “namumulat” sa katotohanan at may mga patuloy na nagiging “bulag” sa katotohanan.

Ano ang “totoo?” Ang katotohanan ay “kakampi” at “kampon” ng mga naghaharing uri ang mga grupong ito, aguy!

Nakikinabang ang kanilang mga lider mula sa “katas” ng “bulok na sistema” na palagi nilang kinokondena. At kahit ang Imperyalistang Kano na palagi rin nilang binabaterya, kasama sa nagpopondo sa kanilang mga “pagkilos” gamit ang United States Agency for International Development o USAID at National Endowment for Democracy o NED.

Kaya nga, “naaawa” tayo ngayon sa mga ordinaryong magsasaka, manggagawa, kabataan, estudyante at mga katutubo, na patuloy na “ginagamit” ng mga organisasyong ito sa negosasyon sa kampo ng Imperyalismo at mga lokal na komprador para sa sarili nilang pakinabang.

Sa madaling salita, isang malaking palabas (‘entertainment show’) na lang ang mga nakikita nating “kilos-protesta” (daw) ng mga grupong ito laban sa kahit kaninong gobyerno.

Hindi seryoso at walang sustansya dahil hindi nila gustong bumagsak ang isang sistemang lahat sila ay nakikinabang, yehey!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here