Home NATIONWIDE PBBM nanindigan sa foreign policy ng Pinas na “Friend to all, enemy...

PBBM nanindigan sa foreign policy ng Pinas na “Friend to all, enemy to none”

143
0

MANILA, Philippines – PINANANATILI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang foreign policy ng kanyang administrasyon na “The Philippines is a friend to all. The Philippines is an enemy to none.”

Sa kanyang pang-apat na State of the Nation Address (SONA 2025) sa Batasang Pambansa sa Quezon City, araw ng Lunes, Hulyo 28, 2025, sinabi ng Pangulo na ito kanyang ang pangunahing pokus habang ang Pilipinas ay nakatakdang mag-host ng ASEAN Summit and Related Summits sa susunod na taon.

Binigyang diin ito ng Pangulo habang patuloy na hinaharap ng Pilipinas ang banta sa teritoryo nito.

Winika ng Pangulo na ang pagdepensa sa karapatan ng Pilipinas ay dapat na paigtingin, gayunman, mananatili naman ang gobyerno ng Pilipinas na mapagpasensiya sa pagprotekta sa karapatan ng bansa.

”Sa harap ng mga bagong banta sa ating kapayapaan at soberanya, mas maigting ngayon ang ating paghahanda, pagmamatyag, at pagtatanggol sa ating sarili,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

”Gayunpaman, tayo pa rin ay nagtitimpi at nananatiling mapagpasensya, lalo na sa pagtanod sa ating buong kapuluan at sa pangangalaga sa ating interes,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, sa kanyang SONA pa rin, binigyang diin ni Pangulong Marcos ang papel ng mga Overseas Filipino Workers, sabay sabing maraming bansa ang lubos na iginagalang ang Pilipinas dahil sa pagsunod sa international laws, at maging sa papel ng mga OFWs.

Sinabi nito na sa pamamagitan ng OFWs, ang kasanayan ng mga Filipino ay naipapakita sa ibang bansa.

”Masasabi natin na mataas ang tingin ng buong mundo sa Pilipinas. Maayos, patas, at mahinahon tayong nakikitungo sa iba’t ibang mga bansa. Tumutupad din tayo sa ating mga kasunduan, at sa mga batas at panuntunan ng pandaigdigang komunidad,” ayon sa Pangulo.

”Nagpapasalamat tayo sa ating magigiting na mga OFW. Dahil sa kanila, naipamamalas ang angking galing, kabutihan, at puso ng Pilipino-sa lahat ng sulok ng daigdig,” dagdag na pahayag ng Pangulo.

Idagdag pa rito, binanggit din ng Pangulo ang pagdurusang dinaranas ng ilang Filipino seafarers sa kamay ng Houthi rebels.

”Hindi po biro at sadyang mapanganib ang hanapbuhay ng ating tripulante. Ang trahedya na sinapit nila sa kamay ng mga rebeldeng Houthi ay isang halimbawa,” aniya pa rin.

Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat ang Pangulo sa iba’t ibang bansa, may mahalagang papel sa pagkakaloob ng clemency sa ilang Filipino sa Gitnang Silangan.

”For their crucial and most beneficent sovereign interventions, I personally convey the entire nation’s sincerest gratitude to the Sultanate of Oman, the United Arab Emirates, the State of Qatar, the Kingdom of Bahrain, the State of Kuwait, and to all the leaders of various countries that have granted clemency and have shown kindness to our beleaguered compatriots. Maraming, maraming salamat po. Thank you very, very much,” ang litaniya ni Pangulong Marcos. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here