MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na siyam na Filipino seafarers mula sa MV Eternity C ang hawak ng Houthi rebels sa Yemen, habang tinitiyak sa publiko na ang ahensya ay mahigpit na nakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA) at mga international partners para sa ligtas nilang paglaya.
Kasabay ng kumpirmasyon, sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na ang mga marino ay kabilang sa 21 Filipino crew na sakay ng MV Eternity C na inatake ng Houthi rebels habang binabaybay ang Red Sea noong Hulyo 7.
Noong Hulyo 17, walo sa mga crew members ang nakabalik sa bansa nang ligtas.
Sinabi ni Cacdac na ang tatlong nasawi ay iniulat ng mga survivors, bagamat hindi pa kumpirmado ang kanilang pagkamatay dahil walang katawan ang narekober, habang isang marino ang nawawala.
Ayon pa kay Cacdac, nakatanggap na ng tawag ang pamilya mula sa mga seafarers matapos ilabas ang video noong Lunes ng puwersa ng Houthi. Jocelyn Tabangcura-Domenden