MANILA, Philippines – Maaaring ipagpaliban hanggang 2027 ang rehabilitasyon ng EDSA, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Public Works Secretary Manuel Bonoan, hinihintay pa nila ang basbas ni Pangulong Marcos Jr. para gamitin ang bagong teknolohiya na makakapagpabilis ng proyekto at makakaiwas sa matagalang pagsasara ng mga lane.
“Ayaw ni Presidente na masyado mahaba ‘yung pagsasara ng lanes sa EDSA,” aniya.
Naantala ang proyekto upang pag-aralan kung may mas mabilis na paraan, gaya ng paglalagay ng panibagong layer sa ibabaw ng kalsada sa halip na isagawa ito lane-by-lane.
Dahil sa tag-ulan at paghahanda sa ASEAN Summit na gaganapin sa bansa sa 2026, sinabi ni Bonoan na maaaring sa susunod na taon o sa 2027 pa ito matuloy.
Tinatayang aabutin ng anim na buwan ang rehabilitasyon gamit ang bagong teknolohiya, at magkakahalaga ng ₱8 bilyon hanggang ₱17 bilyon. Santi Celario