Home OPINION SONA NA BABAD SA PAGKADISMAYA

SONA NA BABAD SA PAGKADISMAYA

239
0

BAGO para sa akin, pero hindi nakakatuwa, na sinimulan ni Pangulong Marcos ang kanyang State of the Nation Address nitong Lunes sa isang pag-amin: na totoong may sariling kabiguan ang kanyang administrasyon. Hindi ko alam kung masasabing katapangan iyon o wala na lang siyang pagpipilian — nakorner na sa isang linggo ng malawakang pagbaha ng mga lansangan, stranded na pasahero, at matinding galit ng publiko.

Balikan natin: Ilang araw bago ang kanyang SONA, ang malaking bahagi ng kabisera — na alam ng lahat ay may kumpletong pondo pagdating sa imprastruktura — ay nalubog sa baha. Ito ang Metro Manila, ang pangunahing metropolis ng bansa kung saan dapat na pinakamahusay ang ipinatutupad na mga proyekto kontra baha.

Hindi ba’t isang taon pa lang ang nakalipas nang ibinida ni Marcos na 5,500 flood control projects na ang nakumpleto simula nang maluklok ang kanyang administrasyon noong 2022? Kung ito na ang maa-afford ng bilyon-bilyong pisong pondo, paano pa ang mga nasa labas ng Metro Manila?

‘Sakto ang sinabi ni dating COA chief Heidi Mendoza sa kanyang vlog noong nakaraang linggo: kailangang busisiin ng auditors ang kailaliman — gumagana ba ang mga kanal? Nagkabit ba ng pumps? Nahukay ba ang mga ilog? O baka naman ibinaon lang ang pera sa kongkreto at pananahimik? Napakaraming kapalpakan sa mga proyekto sa paghuhukay ng mga ilog at pagpigil sa baha, aniya, dahil mahirap beripikahin kung naisasakatuparan nga ba ang mga ito.

At nariyan din ang pagbisita ng Presidente sa Amerika, na ang layunin ay maibaba ang trade tariffs pero ang kinahinatnan ay hanggang lipstick diplomacy lang. Isang porsyento lang ang tinapyas ng Amerika sa nakaambang 20% duty na ipapataw sa Pilipinas at tagumpay na ang itinawag nila rito. Ang kapalit, ibababa natin ang ating auto tariffs at nangakong mag-i-import ng mas maraming trigo at gamot mula sa Amerika.

Nakababahala iyon, kasunod nang pagkumpirma ni Donald Trump sa Europe na, “For the world… (negotiations for tariff cuts) it’ll be somewhere in the 15% to 20% range.” Strategic na nasa Pasipiko tayo, malinaw ang mensahe: hindi ganoon kaimportante ang Pilipinas.

Kaya nang humarap si Marcos sa mga Pilipino nitong Lunes, kinausap niya ang isang bansang bugbog sa mga problema — basang-basa sa ilang araw na pag-uulan, stranded at hindi makatawid sa mga bahang kalsada, habang ilang manggagawa ang pinarusahan pa ng kanilang mga employer sa hindi pagsuong sa baha para sumakto sa time-in ng attendance.

Para sa mga employer na ito, ipapaalala lang ng Firing Line ang Labor Advisory No. 17, na nagbibigay-proteksyon sa mga manggagawa mula sa hindi ligtas na pagtatrabaho. Kung mistulang dagat na ang mga lansangan, karapatan ng mga empleyado na manatili sa loob ng kanilang mga bahay — hindi dahilan iyon para parusahan sila.

Sa huli, ang SONA ni Marcos ay hindi lang basta inilahad ng makulimlim ang panahon — nagtampisaw ito sa daloy ng mga pagkadismaya ng isang bansang sawa nang sumuong sa walang katapusang pagbabaha ng mga pangakong napako.

Sino pa ang dismayado?

Napansin ng Firing Line ang pagkadismaya ni Navotas Rep. Toby Tiangco, ibinunyag (well, hindi rin masasabi, dahil mistulang kalakaran na) ang impluwensiya umano ni Speaker Martin Romualdez sa pagpapatupad ng mga programa ng Department of Social Welfare and Development para sa mga nangangailangan.

Pupwedeng hindi totoo ang reklamo ni Tiangco na kinailangan pa umanong magmakaawa ng mga miyembro ng Kamara sa Office of the Speaker para mapasama sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program o AKAP at Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS ng DSWD, pero hindi na iyon nakakagulat.

Natural lang na ipunto ng mga tagapagtanggol ng Kamara ang opisyal na pahayag na walang kasiguraduhang maaaprubahan ang congressional referrals. Pero alam naman ng marami sa atin na hanggang papel lang iyon.

Gaya ng inaasahan, ang pagkontrang ito ni Tiangco, na nabigyang-diin nitong Lunes nang tumanggi siyang iboto si Romualdez bilang Speaker ng 20th Congress, ay hindi nakatulong sa hangarin niya. Sa Kamara, kung saan 269 na mambabatas ang may solidong suporta, ang ginawa ni Toby ay lalo lang nagpalabo sa posibilidad na mapagbibigyan ang mga hihilingin niya simula ngayon. Sana mali ako.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here