MANILA, Philippines – Dumating na sa Jeddah, Saudi Arabia ang Gilas Pilipinas para sa paglahok nila sa FIBA Asia Cup 2025.
Ayon kay Gilas coach Tim Cone, agad silang sasabak sa ensayo para sanayin ang katawan sa klima at walang sasayanging pahanon upang paghandaan ang kumpetisyon.
Sa kabila ng matagumpay na exhibition games kontra sa Macau Black Bears, nakatakda ring sumabak ang Gilas Pilipinas sa isa pang friendly game kontra sa Jordan sa Sabado (Agosto 2 PH time) na gaganapin na sa Jeddah.
Ayon pa kay Cone, ilalaan nila ang natitirang araw bago ang Asia Cup sa matinding ensayo para makundisyon ng husto ang mga manlalaro.
Kasama sa Gilas players na pumunta sa Saudi Arabia ay sina naturalized player Justin Brownlee, Oftana, June Mar Fajardo, CJ Perez, Scottie Thompson, Japeth Aguilar, Jamie Malonzo, Chris Newsome, Dwight Ramos, AJ Edu, Carl Tamayo, at Kevin Quiambao.
Nakatakda ang laban ng Gilas Pilipinas laban sa Chinese Taipei sa Agosto 6 sa ganap na ika-2 ng umaga.
Sunod nilang sasagupain sa Group D ang world number 22 na New Zealand sa Agosto 7 ng alas-11 ng gabi oras sa Pilipinas.
Sa huling laban ng Gilas sa group stage, haharapin ng Gilas ang Iraq sa Agosto 9 sa ika-4 ng hapon.JC