Hinimok ni House Public Accounts Chair Rep. Terry Ridon si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na maglabas ng ebidensya sa paratang nitong tumatanggap ng 30–40% kickback ang ilang mambabatas mula sa mga flood control at infrastructure projects.
Ayon kay Ridon, dapat imbitahan si Magalong sa imbestigasyon ng Kamara na nakatakdang simulan sa Agosto upang busisiin ang mga ghost projects, bloated contracts, at iregularidad sa paggasta at procurement.
“Kung may mambabatas o opisyal ng ahensya na sangkot, wala tayong dapat palampasin,” ani Ridon.
Dagdag niya, may pananagutan din ang mga contractor sa umano’y katiwalian. Aniya, mawawalan ng kredibilidad ang imbestigasyon kung may mga pinoprotektahan.
Ang hakbang ay tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siyasatin ang korapsyon sa mga proyektong imprastruktura matapos ang malawakang pagbaha nitong Hulyo. RNT