MANILA, Philippines – Isinara ang mga bike lane sa kahabaan ng Academic Oval ng University of the Philippines (UP) campus sa Diliman, Quezon City para sa isinasagawang UP College Admissions Test (UPCAT) 2026.
Sa isang traffic advisory noong Biyernes, sinabi ng UP Office of Admissions na ang pagsasara ay ipatutupad sa Sabado, Agosto 2, at Linggo, Agosto 3.
Ang hakbang ay makakaapekto hindi lamang sa mga siklista, kundi pati na rin sa mga jogger.
Isinasagawa na ang UPCAT 2026, kung saan libu-libong Pilipinong estudyante ang naghahangad na makapasok sa premiere state university sa bansa.
Ang pagsusulit isinasagawa para sa mga mag-aaral na kasalukuyang naka-enrol sa Grade 11 para sa academic year 2024 – 2025 at magiging isang mag-aaral sa kolehiyo para sa academic year 2026 – 2027.
Mabigat na trapiko naman ang aasahan sa mga bahagi ng Commonwealth Avenue hanggang UP Diliman.
Sinabi sa ulat na maraming test takers ang dumating ng maaga sa campus para maiwasang ma-late sa UPCAT. Ang ilan sa kanila ay sumakay sa mga motorcycle taxi sa layuning talunin ang trapik.
Nauna nang inilabas ng UP Diliman Office of the Vice Chancellor for Community Affairs ang kanilang UPCAT 2026 map, na nagsasaad ng vehicular flow na dapat obserbahan.
Samantala sa UP Los Baños, naglabas na rin ng traffic advisory para sa pagsasagawa ng UPCAT 2026 sa campus ngayong weekend. RNT/MND