MANILA, Philippines – Umapela ang isang Obispo sa simbahan at pamahalaan na harapin nang buong puso at may malasakit ang lumalalang krisis sa mental health sa bansa.
Kaugnay ito sa huling ulat ng Philippine National Police na mahigit 2,000 Pilipino ang naitalang nagpatiwakal sa loob lamang ng kalahating taon ngayong 2025.
Ayon kay Bishop Ruperto Santos, hindi lamang ito mga simpleng bilang, kundi mga anak, kapatid, kaibigan, at kapwa na tahimik ngunit may mabigat na pinagdaraanan.
Hinikayat ng obispo ang simbahan na maging pastol ng pag-asa at aktibong kanlungan, na magsisilbing malakas at mapagkalingang tinig upang ipadama sa bawat dumaraan sa pagsubok na sila’y may karamay at hindi nag-iisa.
Dagdag pa ni Bishop Santos, dapat maging bukas na bisig ang mga parokya, hindi lamang bilang lugar ng pagsamba, kundi para rin sa pakikinig, paggabay, at pagpapagaling.
Iminungkahi ng obispo ang pagsasanay sa pastoral workers, kabataan, at mga pari upang matukoy at matulungan ang mga taong may mental distress.
Gayundin ang paglulunsad ng libreng mental health talks at volunteer networks sa mga parokya, at pakikipag-ugnayan sa mga dalubhasa upang maihatid ang abot-kayang serbisyo sa barangay level.
Binigyang-diin din ni Bishop Santos ang kahalagahan ng pagtutulungan ng simbahan at pamahalaan upang pondohan ang mental health programs, sanayin ang mga guidance counselor sa paaralan, at siguraduhin ang access sa psychiatric care sa mga pampublikong ospital. Jocelyn Tabangcura-Domenden