MANILA, Philippines – Sa hangaring mabigyan ng panibagong pag-asa at kinabukasan ang isang pamilyang dumaan sa matinding pagsubok, ipinagkaloob ni Villar Group Chairman Manny Villar ang isang bahay at lupa sa limang anak ng yumaong OFW na si Baby Jane Teodoro Allas sa Puerto Princesa City, Palawan.
Si Baby Jane ay nagtrabaho bilang domestic helper sa Hong Kong upang matustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.
Ngunit dalawang taon pa lamang sa trabaho, siya ay na-diagnose ng sakit na cervical cancer. Salungat sa inaasahang suporta mula sa kanyang employer, siya ay tinanggal sa trabaho, ilang araw lamang matapos malaman ang kanyang sakit.
Noong 2021, pumanaw si Baby Jane, at kanyang naiwan ang limang anak sa Nanay at kapatid.
Sa kabila ng pagkawala ni Baby Jane, patuloy na hinarap ng magkakapatid ang mga hamon ng buhay.
Hindi naging madali ang paghahanap ng katarungan para kay Baby Jane, dahil umabot ng pitong taon bago naglabas ng desisyon ang korte sa Hong Kong na nag-aatas sa kaniyang dating employer na magbayad ng humigit-kumulang ₱2 milyon bilang danyos sa iligal na pagkakatanggal sa trabaho.
Gayunman, hindi pa rin umano natatanggap ng pamilya ang nasabing halaga dahil nagtago na ang dating employer.
Naantig si Manny Villar sa istorya ni Baby Jane at ng kanyang mga anak.
Mula pa sa Puerto Princesa, bumiyahe ang limang magkakapatid sa Maynila upang makaharap si Manny Villar para sa isang sorpresang hindi nila inaasahan.
Personal na inabot ni Villar sa limang magkakapatid at sa nanay ni Baby Jane ang susi sa kanilang bagong tahanan – isang Camella house and lot sa Puerto Princesa, Palawan.
Ipinagkaloob ang property sa pamamagitan ng Vista Land and Lifescapes Inc., bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng kompanya na matulungan ang mga pamilyang Pilipino na magkaroon ng sariling tahanan.
Para sa magkakapatid na Allas, higit pa sa isang bahay ang handog na ito.
Isa itong pagkakataong magkaroon ng sariling tahanan at mas matatag na pundasyon sa pagbuo ng kanilang kinabukasan matapos ang pagkawala ng kanilang ina.
Sa pakikipagkita sa mga anak ni Baby Jane, nagpahayag si Manny Villar na nawa’y magsilbing daan ang bagong tahanan upang mas maging ligtas at matatag ang kanilang pamumuhay at makamit nila ang kanilang mga pangarap sa buhay.
Binigyang-diin din niya ang katatagan ng pamilya at ang kahalagahan ng hindi pagsuko sa kabila ng mga pagsubok sa buhay.
Para naman sa Vista Land, na itinatag ni Manny Villar noong 2007, sumasalamin ang pagkakaloob ng bahay sa layunin nitong gawing mas abot-kamay ng mga pamilyang Pilipino ang pagkakaroon ng sariling tahanan at makapagbigay ng mga komunidad na susuporta sa mas maayos na pamumuhay.
Ang inisyatibo ay parte ng pagdiriwang patungo sa ika-20 anibersayo ng Vista Land sa Pebrero 2027. RNT