Home OPINION NAGBULSA NG PERA VS IMPEACHMENT

NAGBULSA NG PERA VS IMPEACHMENT

249
0

MAY narinig ba kayo ukol sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte nitong ika-4 na State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos?

Ni ha, ni ho si Pang. Marcos ukol dito.

Kung bakit, walang nakaaalam at kung ano ang dahilan, ang Pangulo lang ang nakaaalam.

Nabokya ang mga umaasa na magpapasabog ang Pangulo ukol sa impeachment.

Dahil dito, ibinaling nila ang hindi rin nabanggit ng Pangulo – ang online gambling.

Sabi ng iba, makaraang matsugi ang mga Philippine Offshore Gaming Operator, namamayagpag naman ang online gambling.

At kasama ang maraming Pinoy na nasibak sa POGO ang bumaling sa online gambling.

MAHIYA NAMAN KAYO

Ang nakakikilabot sa SONA na wala ni anomang impeachment na nabanggit, tatlong beses na may pinaringgan si Pangulo ng mga salitang “Mahiya naman kayo.”

Anang Pangulo, “Mahiya naman kayo”…sa inyong kapwa Pilipino!…sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa mga pagbaha!…lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo, na binulsa niyo lang ang pera.”

Ang mga korap at mandarambong ang kanyang pinasaringan.

‘Yun bang === mga sangkot sa mga anti-flood project na na napatunayang walang silbi pagdating mga baha sa nakalipas na tatlong taon ng kanyang administrasyon.

P1 TRILYONG IBINULSA

Sa kanyang huling salita sa “Mahiya naman kayo”, hindi lang pasaring kundi diretsahan ang akusasyon na korapsyon at pandarambong.

“…lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo, na binulsa niyo lang ang pera.”

Sa kwenta ni Senador Ping Lacson, tinatayang P2 trilyon ang badyet laban sa baha.

Ngunit ibinulsa lang ng mga korap at mandarambong ang kalahati o tumataginting na P1 trilyon.

Kakatiting lang ng P1 trilyon ang ilang milyong pilit na ibinabalibag ng mga korap at mandarambong kay VP Sara at hindi pa nila napatutunayan ito.

Ngunit may pasya na ang Pangulo na tinatarando ng mga korap at mandarambong ang P1 trilyong pondo laban sa baha.

Kaya naman, sa pamamagitan ng mga imbestigasyong isasagawa, may sasampahan na ng mga kaso sa mga darating na buwan.

Kasama sa mga anti-flood project ang mga “matagal na ginawa ngunit madaling masira, gaya ng P1.2 bilyong Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela.

Naririyan din ang mga ghost project o guni-guni lamang.

SINO-SINO SA MGA NAGHIYAWAN?

Tanong: Meron ba sa mga naghihiyawan at pumalakpak sa tuwa sa mga salitang “Mahiya naman kayo”?

Sa paniniwala ng ating Uzi, meron at meron.

Isipin na lang ito: Maraming kontraktor na mambabatas at iba pa ang mga kontraktor na hindi mambabatas ngunit sinasabi ng Pangulo na mga kasabwat ng mga “binulsa niyo lang ang pera”.

Sa kabila ng mga mensahe sa SONA, anak ng tokwa, pinananatili ng mga nagbulsa ng P1 trilyong salaping bayan laban sa baha ang paninira sa iba.

Kailan kaya lamunin ng baha ang mga korap at mandarambong na nagbulsa ng P1 trilyon pondo laban sa baha?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here