NAGPAHAYAG ng suporta si Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, na kilalang tagapagtanggo ng soberanya ng Pilipinas, kay Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro makaraang umalma ang Chinese Embassy hinggil sa matapang na pahayag ng kalihim patungkol sa West Philippine Sea (WPS).
“Hindi bastos si Department of National Defense Secretary Gilbert Teodoro. Tumindig lang siya para ipaglaban ang bansang Pilipinas. Yan ang malinaw, wala kang dapat ikahiya kapag ipinaglalaban mo ay ang bayan,” pahayag ni Goitia.
“Kapag may nagsalita nang direkta at makatotohanan, tinatawag agad nilang ‘destabilizing.’ Pero sa totoo lang, iyon ang kailangan natin, yung mga lider na hindi takot magsabi ng totoo,” dagdag ni Goitia.
Pinuri ni Goitia ang pagiging prangka ni Sec. Teodoro na nagsabing hindi Amerika ang dahilan ng tensyon sa karagatan kundi ang mismong agresyon ng Tsina. Aniya, ilang taon na tayong ginagapang, pinapasok, at inaagawan sa sarili nating teritoryo. Kapag may pumasok ba na hindi natin kilala sa ating bahay, ang kailangan ba nating sisisihin ay ang ating kapitbahay o dapat ay kumprontahin natin ay ang nanghihimasok sa ating lugar.
“At ngayon na may opisyal na matapang na nagsalita para sa atin, aatras pa ba tayo? Hindi na pwede. Suportahan natin ang katotohanan. Suportahan natin ang Pilipinas. Suporthan natin ang kinabukasan ng mga Pilipino” diin niya.
Pero hindi lang pagtindig ang punto ni Goitia, may dalang solusyon din ito.
“My 4 cents suggestion on the WPS: balikan natin ang December 1987 Manila Declaration ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), lalo na ang ZOPFAN o ‘Zone of Peace, Freedom and Neutrality’ sa West Philippine Sea,” pahayag niya. “Hindi tayo aasenso kung laging may veto power ang China sa United Nations Security Council. Kailangan ng sama-samang hakbang ng ASEAN para baguhin ang sistema.”
Para kay Goitia, ang laban sa West Philippine Sea ay hindi lang laban ng gobyerno, kundi ng bawat Pilipino. Hindi ito dapat pulitika lang. Buhay at kabuhayan ang nakataya.
“Yung isda, yaman, at seguridad diyan, para sa Pilipino ‘yan. At kung mananahimik lang tayo, may ibang kukuha niyan,” paalala niya.
Ang panawagan ni Goitia ay simple: huwag matakot tumindig, huwag ikahiya ang pagiging makabayan.
“Wala tayong ginagawang masama. Ang mali ay ‘yung tahimik na pumapayag. At hindi na tayo dapat maging ganun,” ani Goitia.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement. (RNT)