Home HOME BANNER STORY 20 Chinese tiklo, 8 Pinoy nasagip sa scam hub sa Pampanga

20 Chinese tiklo, 8 Pinoy nasagip sa scam hub sa Pampanga

265
0

MANILA, Philippines – Nasagip ang walong Filipino habang naaresto naman ang 20 Chinese nationals sa hinihinalang scam hub sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Clark Freeport Zone sa Angeles City, Pampanga.

Unang nilusob ng mga awtoridad ang compound ng dalawang villa kung saan 17 Chinese nationals ang naaresto.

Nakumpiska naman ang ilang gamit katulad ng laptop at mobile phones na isasailalim sa digital forensic examination para kumalap ng mas marami pang impormasyon sa operasyon ng mga suspek.

Batay sa mga chat na nakita sa computer, ang mga suspek ay nagpapatakbo ng love scam.

Ayon sa mga nasagip na Filipino sa operasyon, nagtatrabaho sila sa loob ng scam hub ng mahigit walong oras sa isang araw.

“May friend po na nagyayaya lang po. Maghahanap po ng client. ‘Yun po, inaaral po namin kasi one week pa lang po kami rito,” ayon sa isa sa mga nasagip sa panayam ng GMA News.

“Bago lang po talaga ako rito. Kakadating lang po namin kahapon. May inaantay po kaming tao. Hindi po namin alam basta ang sabi po mag-antay lang po kami dito,” ayon pa sa isa.

Hindi naman nakapagbigay ng pahayag ang 17 naarestong Chinese national.

Samantala, nilusob din ang isa pang residential property malapit sa villa na naunang ni-raid kung saan tatlong Chinese nationals naman ang naaresto dahil sa online fraud.

Dinala sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang mga suspek.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung ang magkaugnay ang dalawang hinihinalang scam operations.

Ayon naman kay Clark Development Corporation vice president for security Retired Major General Lina Sarmiento, “Dito sa loob ng Clark Freeport Zone since 2023, ipinagbawal na ng Clark Development Corporation ang anumang gawain na may kinalaman sa POGO. So napakaimportante nito dahil talagang nililinis na natin ‘yung ating bakuran dito.”

Ang mga raid ay pinangunahan ng Bureau of Immigration, Armed Forces of the Philippines, at Clark Development Corporation. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here