Home NATIONWIDE Higit P25M iligal na droga na itinago sa data cable roll, nabuking...

Higit P25M iligal na droga na itinago sa data cable roll, nabuking ng BOC

291
0

MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa higit P25 milyon halaga ng iligal na droga ang naharang nga mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark makaraang isailalim sa inspeksyon ang isang kargamento na nagmula sa Belgium at patungo sana sa San Rafael, Rizal.

Batay sa ulat ng BOC, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency–Airport Interdiction Unit (PDEA-AIU) ay naharang ang isang shipment na naglalaman ng 5,062 gramo ng Ketamine, isang mapanganib na droga na nagkakahalaga ng nasa P25,310,000,kung saan idineklara ito na naglalaman ng “Data Cable roll”.

Nabatid sa BOC na pagdating noong Hulyo 24, 2025, na-flag ang parsela para sa pisikal na pagsusuri dahil sa mga kahina-hinalang detalye sa deklarasyon nito. Noong Hulyo 30, ang K-9 sniff test ng mga operatiba ng PDEA ay nakakita ng mga ilegal na sangkap, na nag-udyok sa isang buong inspeksyon.

Ang isang 19-kilogram na kahoy na cable reel, na kahina-hinalang natatakpan ng spray foam, ay natagpuang naglalaman ng anim na transparent plastic pouch ng isang puting crystalline substance. Kinumpirma ng laboratory testing na ito ay Ketamine, na inuri bilang isang mapanganib na droga sa ilalim ng Republic Act No. 9165.

Isang Warrant of Seizure and Detention ang inisyu para sa mga paglabag sa Sections 118(g), 119(d), at 1113 (f), (i), at (l) ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay ng RA 9165.

Binigyang-diin ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno na ang paglaban sa iligal na droga ay nananatiling isang usapin ng pambansang interes.

“Smuggled narcotics pose a serious threat to public safety. Protecting Filipino lives remains at the heart of every operation we carry out, this seizure is no exception,” ani Nepomuceno.

Sa kaugnay na operasyon noong Hulyo 29, naharang din ng Port of Clark ang dalawang kargamento patungong Quezon City. Ang una, na idineklara bilang ‘Animal Food’ mula sa Paris, ay natagpuang naglalaman ng 52 gramo ng MDMA (Ecstasy) na nagkakahalaga ng ₱265,200. Ang pangalawa, na idineklara bilang ‘Documents’ mula sa Austria, ay nagtago ng 52 gramo ng Ketamine na nagkakahalaga ng ₱260,000. Ang dalawang kargamento ay isinailalim sa seizure proceedings.

Ang matagumpay na pagharang na ito ay nagpapakita ng patuloy na pagbabantay ng Bureau of Customs – Port of Clark sa pagpigil sa pagpasok ng mga ipinagbabawal na gamot at pagtataguyod ng seguridad sa hangganan. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here