MANILA, Philippines – Muling inihain sa Kamara ang House Bill 2897 o People’s Freedom of Information Act of 2025 na naglalayong isapubliko ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng Presidente, Pangalawang Pangulo, at mga mataas na opisyal ng gobyerno.
Maliban sa SALN, sakop din ng panukala ang pagsasapubliko ng mga mahahalagang impormasyon ng gobyerno gaya ng mga desisyon o government research data.
“Current inconsistencies and lack of mandatory disclosure highlight the need for a legislated FOI policy. Ang panukalang ito ay isang makapangyarihang sandata laban sa katiwalian, disimpormasyon, at kawalan ng katapatan at pananagutan sa pamahalaan,” pahayag ni House Deputy Minority Leader at ML party-list Rep. Leila de Lima, na siyang pangunahing may-akda ng panukala.
Sa oras na maisabatas, kailangan nang isapubliko ang SALN ng Pangulo ng bansa, Pangalawang Pangulo, gayundin ang mga miyembro ng Gabinete, Senado, House of Representatives, Justices ng Supreme Court, Commissioners ng Constitutional Commissions at constitutional offices, at mga opisyal ng Armed Forces na may ranggong general.
Ang mga nais namang makakuha ng impormasyon sa gobyerno ay papayagan din sa pamamagitan ng pagsusumite ng request, subalit hindi dito kasama ang mga sensitibong impormasyon gaya ng sa national security, foreign affairs, internal/external defense, law enforcement procedures, at trade secrets.
Nakapaloob sa panukala na ang sinumang lalabag ay maaaring patawan ng pagkakakulong ng 1 hanggang 6 na taon at multa na P100,000 hanggang P1 milyon. Gail Mendoza