MANILA, Philippines – Ginamitan na ng helicopter bucket sa pag-apula ng sunog sa mga kabahayan sa Happyland, sa Road 10 sa Tondo, Maynila.
Hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang nagaganap na sunog, kung saan inakyat na sa Task Force Charlie.
Nagsimula ang sunog pasado alas-9 ng umaga at mabilis itong kumalat dahil dikit-dikit ang mga bahay na karamihan ay gawa sa barong-barong.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso, tatlong helicopter o heli bucket na mula pa sa probinsya ang tumulong para mabilis na maapula ang malaking sunog sa lugar.
Sinabi naman ni Fire Sr. Supt. Maria Victoria Brual, ang Assistant Regional Director for Operation – National Capital Region, Bureau of Fire Protection, na nagsimula sa Building 9 ang sunog sa Happyland.
Ayon kay Mayor Isko, tantya nila ay nasa 725 pamilya na ang apektado ng sunog ngunit nagpapatuloy pa rin ang kanilang assessment.
Ang bahagi ng Road 10 southbound lane at northbound lane ay parehong hindi na madaanan ng mga sasakyan dahil na rin sa mga truck ng bumbero.
Kaya naman ipinag-utos ng alkalde na gumawa ng zipper lane upang sa gayon ay makadaan ang mga sasakyang naipit sa mahabang pila ng mga fire trucks.
Sa kung ano ang sanhi ng pagsiklab ng sunog, hindi pa batid dahil hindi pa tuluyang naapula ang sunog, bagamat nakikitaan na ng puting usok.
Katuwang ng BFP ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Manila Police District (MPD), Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), Manila Department of Social Welfare, at Manila Health Department. Jocelyn Tabangcura-Domenden