MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration nitong Huwebes ng hapon, na ang low-pressure area na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility ay lumakas na at naging tropical depression.
Sinabi ni PAGASA weather specialist Leanne Loreto na ang nasabing sama ng panahon ay matatagpuan 2,730 kilometro silangan ng Hilagang Luzon at sa ngayon ay wala pang direktang epekto sa bansa. Gayunpaman, inaasahang kikilos ito pa-kanluran patungong Philippine Sea at maaaring pumasok sa Philippine Area of Responsibility sa mga susunod na araw. Kapag ito ay nanatiling tropical cyclone pagpasok, papangalanan itong “Fabian.”
Samantala, ang isa pang low-pressure area na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility ay namataan sa baybayin ng San Fernando City, La Union. Kumikilos ito pa-kanluran at maaaring lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa pagitan ng Biyernes at Sabado, Agosto 8 hanggang 9.
May malaki itong tsyansa na maging bagyo rin, dagdag pa ng PAGASA.






