PUNUAN o umaapaw ang mga pampublikong ospital ng mga nagkakasakit sa dengue, leptospirosis, biktima ng krimen, rabies, hayblad, atake sa puso, nanganganak at iba pa, lalo na sa mga emergency room, intensive care unit o ICU at iba pang mga silid o ward.
Lumuluwag lang ang mga ito kapag may mga gumagaling, namamatay, inililipat o itinatakbo sa mga pribadong ospital.
Sa ibang salita, mga Bro, marami ang nagkakasakit nang seryoso o emergency at pagkakaospital ang remedyo at hindi natutugunan ang mga ito nang lubusan ng mga pampublikong ospital, ke hawak o hindi ng Department of Health o ng mga local government unit.
MARAMING PAGKUKULANG
Sa huling State of the Nation Address ni Pangulong Marcos, inihayag niyang ngayon lang naganap na may isa nang municipal doctor at hindi katulad noon na maraming bayan ang wala nito.
Inilantad nito ang katotohanang napababayaan ang mga pampublikong ospital sa mga medical practitioner.
Pero hindi lang ito ang problema kundi mga kagamitan din.
Halimbawa na lang ang kawalan ng mga x-ray machine, ultrasound scanner o panglaboratoryo o pamamahinga ng mga ito sa araw ng Sabado at Linggo.
Kung meron man, walang techinician na operator dito o kaya’y sira ang mga ito.
Kapag pumunta ka nga sa mga pampublikang ospital, sa mga kasong biktima ng krimen o disgrasya, at wala kang pera, hindi ka masasalang sa x-ray kung wala kang pambayad dahil pribado pala ito at kailangang magbayad ka muna, magpakita ng resibo ng pagbabayad, bago ka i-ex-ray.
KULANG DIN SA SILID O WARD
Ang isa pang matindi, maitutulad ang public hospitals sa public schools.
Kulang na kulang ang mga silid-aralan nang libo-libo.
Kapag kausapin mo ang mga doktor, maging sa mga regional hospital, problema talaga ang labis na kakulangan ng mga silid o ward.
Kaya tumatanggi silang tumanggap ng galing sa ibang mga rehiyon at kung tumanggap man sila, paisa-isa lang kung may bakanteng silid o ward.
Dinaraan na lang din sa palakasan kung minsan.
May mga remedyo naman gaya ng maagap na pagtugon bago lumala ang sakit sa pamamagitan ng klinikang pangkonsulta at first aid.
Ngunit sa mga pang-ospital at emergency na kalagayan ramdam na ramdam ang kakulangan ng mga silid o ward.
MAHAL SA PRIVATE HOSPITAL
Marami namang silid o ward pero nasa mga pribadong ospital.
Kaya lang, sa mga seryoso o emergency na sitwasyon, nakatatakot ang singilin ng mga ito na libo-libong piso sa loob lang ng ilang oras o P50,000-P70,000 o higit pa sa 24 oras.
Iba pa ang karaniwang P100,000 o higit pang singil ng isang ispesyalistang doktor at kung dalawa o tatlo ang magsama-samang ispesyalista, magdasal-dasal ka na.
Kung magtatagal ang pasyente sa ospital ng kahit dalawang linggo lang, milyones na piso na ang bayarin
Sa halip na gagaling ang pasyente, lalo itong magkakasakit o mamamatay at na nadadamay na magkasakit o mamatay sa nerbiyos ang mga miyembro ng pamilya nito.
Kaya naman, dapat nang pagbuhusan nang husto ng pamahalaan ng pondo ang kalusugan ng mga mamamayan para murang doktor, nars, technician at iba pa, sapat na silid o ward at mga kinakailangang kagamitan.






