Home OPINION ‘DI KANAIS-NAIS NA DRAMA SA IMPEACHMENT

‘DI KANAIS-NAIS NA DRAMA SA IMPEACHMENT

1
0

PUNO ng ‘di kanais-nais na drama ang ika-30 araw ng impeachment ni Vice President Sara Duterte.

Naganap ito kamakalawa, Setyembre 28, 2026.

Unang ‘di kanais-nais ang ending ng testimonya ni Philgeps Division Chief Rendell Sopeña na wala siyang personal na kaalaman kung may iregularidad sa mga papeles na hawak niya na nauugnay kay Vice President Sara Duterte at may ‘di maipaliwanag na yaman nito makaraan siyang i-cross examine ni defense Atty. Roberto Batungbacal at ang interjection ni Senator-Judge (SJ) Imee Marcos.

Isa pang hindi kanais-nais ang paggawa ni prosecutor Congressman Benny Abante na motel o hotel ang kanyang upuan sa impeachment court.

Kung kasama lang si dating Senator-Judge ding Miriam Defensor sa paglilitis, baka nakatikim na si Abante ng katakot-takot na sermon, kasama si prosecutor Cong. Gerville Luistro na nangatwirang nagdadasal lang si Abante para sa kanila.

Pinakiusapan na lang ni Presiding Officer Chiz Escudero ang dalawang kongresman na gisingin si Abante na kalaunan ay may gana pang nagsabi na inantok lang siya sa boring umanong cross examination ni Batungbacal.

Sumunod ang mistulang pagbasura ng mga SJ sa testimonya ni P/Maj. Joericson Sangalang, Records Division chief ng PNP-Firearms and Explosives Office.

Katwiran ng senator-judges, napakaliit at pasok ang halagang P2 milyong halaga ng baril sa deklaradong yaman ni VP Sara kaya ‘di nakadagdag ang halaga sa unexplained wealth.

Isinalang ng prosekusyon si Sangalang para dagdag patunay sa akusasyon nilang may unexplained wealth si VP Sara at nakasama pa sa kanila ang sinabi ni Sangalang na walang limit si VP Sara sa pagkakaroon ng baril, mamahalin man o hindi.

Kinatigan si Sangalang ni Senator-Judge Miguel Zubiri sa pagsasabing pupwedeng magkaroon ng kahit daang baril ang mamamayan basta’t sumunod lang ito sa patakaran ng lisensyadong gun holder.

Sa kabuuan, hindi naging kanais-nais ang paggawa bilang testigo kina Sopena at Sangalang dahil gumastos lang ang gobyerno ng P50 milyon sa dalawang araw na paglilitis nang walang napatunayang pagkakasala si VP Sara.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here