Home OPINION BINAHA NA NGA, MAY SUPER EL NINO PA

BINAHA NA NGA, MAY SUPER EL NINO PA

1
0

DAPAT ngayon pa lang naghahanda na tayo lahat na lumaban sa dumating nang super El Nino na sisira sa produksyon ng pagkain sa ating bansa.

Napakabigat-isiping sinira na nang katakot-takot ang produksyon ng pagkain ng malawakan at matagalang mga baha sa nakaraang mga buwan, itutuloy pa ng super El Nino ang paninira rito.

Masisira ang mga palay, gulay, fruit trees, isda at iba pang pagkain sa super El Nino dahil matutuyo at magkabitak-bitak ang lupang sakahan at taniman at palaisdaan at maraming ilog mula Oktubre hanggang Marso 2027 o lagpas pa.

Masisira ang produksyon sa pagkain dahil sa sobra at tuloy-tuloy na matinding init ng kapaligiran at panahon na ikamamatay ng mga palay, gulay, fruit trees at ika-pepeste ng mga isda sa matutuyong mga palaisdaan at ilog at maging ang maraming alagang hayop gaya ng manok, baboy at iba pa.

BIGAS LALO NA

Pangunahing pagkain ng mga Pinoy, mga Bro, ang bigas o kanin.

Kung walang maulam, oks na ang asin o bagoong o toyo na pakner ng bigas/kanin bilang pampalaman sa kumakalam na sikmura para makapagtrabaho, makapag-aral at magiging produktibo at kapaki-pakinabang ang Pinoy.

Ngunit nanganganib ang suplay dito dahil nga sa super El Nino na nagsimula nang dumating at sa totoo lang, nagsimula nang manalasa sa 14 rehiyon mula sa kabuuang 18 rehiyon ng bansa.

Sabi nga mismo ng Department of Agriculture, maaaring mag-angkat tayo ng nasa 5-5.7 milyong tonelada para mapunan ang magiging kakulangan sa lokal na bigas.

Komukonsumo tayo ng nasa 17M tonelada sa isang taon ngunit mahigit lang sa 12M tonelada ang produksyon nating bigas kaya mag-aangkat tayo ng pampunong nasa 5-5.7M tonelada.

Magbubunga naman ito ng pagtataas ng presyo ng bigas na isang ring malaking pasanin lalo’t napakababa ang kinikita natin mula sa maliliit na negosyo at sahod sa mga kompanya, kasama ang mga empleyado ng nakararaming local government unit, kasama ang mga pamahalaang barangay.

MGA PAGHAHANDA, PANLABAN SA KRISIS NASAAN?

Para sa taong ito, lalo na simula ngayon hanggang Disyembre 2026, nasaan unang-una ang mga pondo ng pamahalaan bilang pang-ayuda sa produksyon ng pagkain at pang-ayuda sa mga magsasaka, maggugulay at nag-aalaga ng palaisdaan at hayop?

O baka wala na dahil sa korapsyon, gaya ng nangyari sa pondo ng flood control program na umabot sa mahigit P1.3 trilyon sa nakalipas na apat na taon?

Paano rin ang katulad na krisis sa unang mga buwan ng 2027?

Magsisimula lahat sa usaping pondo, lalo na sa parte ng gobyerno, dahil kung walang pondo, hindi kikilos ang pamahalaan sa laban sa super El Nino at pawang mga laway lang mula sa bunganga ng mga nasa pamahalaan ang lalabas na mga ayuda at remedyo kung walang pondo.

Ano-ano naman kaya ang pupwedeng gawin paghahanda at panlaban ng mga mamamayan dahil hindi naman pupwedeng ipabalikat ang lahat sa gobyerno at ngumanga na lang.

Lahat dapat nang magkakaisang kumilos, maghanda at lumaban sa paparating na matinding krisis sa pagkain, sa suplay at presyo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here