MANILA, Philippines — Asahan ang pag-ulan sa Palawan, Negros Island Region at Zamboanga Peninsula ngayong Miyerkoles, Setyembre 30, dahil sa intertropical convergence zone (ITCZ), ayon sa PAGASA.
Sinabi ng state weather bureau na mahina ang umiiral na ITCZ kaya malaking bahagi ng Visayas at Mindanao ay makararanas pa rin ng maaliwalas hanggang bahagyang maulap na panahon.
Gayunman, posible ang mga localized thunderstorm sa hapon at gabi, kabilang sa ibang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Sa Luzon, kabilang ang Metro Manila, inaasahan din ang generally fair weather ngunit may posibilidad ng isolated rain showers o thunderstorms, partikular sa hapon at gabi. Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng flash flood o landslide kapag naging malakas ang thunderstorm.
Samantala, binabantayan ng PAGASA ang isang tropical depression sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) matapos lumakas mula sa low pressure area.
Huling namataan ang bagyo alas-3 ng madaling-araw sa layong 3,315 kilometro silangan ng Central Luzon, taglay ang maximum sustained winds na 45 kilometro kada oras at pagbugsong umaabot sa 55 kph.
Hindi ito inaasahang papasok sa PAR at hindi rin nakikitang magpapalakas sa southwest monsoon o habagat, ayon sa PAGASA.
Samantala, inaasahang maglalaro sa 25°C hanggang 32°C ang temperatura sa Metro Manila; 18°C hanggang 24°C sa Baguio; 22°C hanggang 30°C sa Tagaytay; 25°C hanggang 32°C sa Cebu at Iloilo; at 23°C hanggang 33°C sa Davao. RNT