Home METRO Pamilya ng biktima ng pamamaril sa paaralan, humihingi ng tulong pinansyal

Pamilya ng biktima ng pamamaril sa paaralan, humihingi ng tulong pinansyal

270
0

NUEVA ECIJA, Philippines – Humihiling ng tulong pinansyal ang pamilya ng biktima ng pamamaril sa paaralan sa Nueva Ecija dahil kailangan nang operahan ang dalaga.

Sinabi ni Elmer Oliva, lolo ng biktima, na prayoridad nila ang makalikom ng pondo para sa pagpapaospital bago sila magsampa ng kaso laban sa suspek.

“Nanawagan ako sa mga may mabuting kalooban, manghihingi kami tulong maoperahan lang apo ko, kasi ubos na rin pera namin. Kaya kung may makapanood o makapakinig, sana maawa kayo,” ani Oliva.

Nabigla raw siya sa balita tungkol sa pamamaril sa kanyang apo, lalo na dahil medyo matagal na niyang kilala ang suspek.

“Kilalang kilala ko, nagpupunta siya sa amin. Mabait naman noon pero nung kalaunan, nananakit na raw, kahit sa eskwelahan pinupuntahan siya,” aniya.

Sinabi ng ina ng biktima na si Elvie Entinado, kilala niya ang suspek dahil malapit ito sa kanilang pamilya.

“Mabait naman po ung bata na yun, kilala ko po sya, lagi po sya nasa bahay. Di ko po alam na nakikipaghiwalay na anak ko, kaya di kaya nung isa, yun siguro pinagplanuhan niya,” saad niya.

Sinabi ng ina na kalaunan ay napansin niya ang hindi magandang pag-uugali ng suspek, at nagpasya siyang ilipat ang kanyang anak sa ibang paaralan.

“Seloso nga at teacher na rin nagsabi na ayaw niya na may kinakausap [ang anak ko] na iba, pero siyempre hindi naman pwede yun, di kakausapin ibang kaklase,” aniya.

Sa kabila ng paglalayo nito, binibisita pa rin ng suspek ang biktima sa bago nitong paaralan.

“Sabi niya tita tulungan mo ko, tulungan ko siyang itransfer. Sabi ko sige tutulungan kita pero hindi sa eskwelahan ng anak ko. Hindi ko namalayan naka tatlong beses na pala pumunta sa pinapasukan ngayon,” dagdag niya.

Inaalam pa ng pulisya kung saan nakuha ng suspek ang kalibre 22 na revolver na ginamit niya sa pamamaril sa dalaga, bago binaril ang sarili.

Nasa kritikal na kondisyon sa ngayon ang dalaga, samantalang iniulat na pumanaw na kahapon ng alas-3 ng hapon ang binata. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here