Home METRO No. 4 most wanted sa Central Luzon, tiklo sa Pampanga

No. 4 most wanted sa Central Luzon, tiklo sa Pampanga

221
0

PAMPANGA, Philippines – Nadakip ng mga awtoridad ang No. 4 most wanted person sa rehiyon sa Central Luzon matapos ang isinagawang operasyon sa Minalin, Pampanga nitong Biyernes, gamit ang digital intelligence.

Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas “Daddy,” 56, residente ng Barangay San Rafael, Guagua, na nahaharap sa ilang kasong kriminal. Kabilang dito ang dalawang bilang ng acts of lasciviousness na may piyansang tig-P200,000 bawat isa, at dalawang bilang ng statutory rape na hindi maaaring piyansahan.

Natunton at naaresto ang suspek sa pamamagitan ng online elicitation at validation techniques ng mga cyber patroller mula sa Regional Intelligence Division–Central Luzon (RID-3), na nagbigay-daan para makumpirma ng pinagsanib na puwersa ng RID-3 at Station 2 ng Olongapo City Police Office ang kinaroroonan nito.

“Ating mga cyber patrollers ang nasa unahan ng makabagong pamamaraan ng pagpapatupad ng batas.

Mahalaga ang kanilang kakayahan na mangalap, magberipika, at kumilos gamit ang online intelligence para matunton ang mga puganteng pilit umiiwas sa hustisya sa parehong pisikal at digital na mundo,” pahayag ni PRO-3 chief Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr.

Dagdag pa niya, “Ang pag-aresto na ito ay malinaw na mensahe — kaalyado natin ang teknolohiya sa pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko at sa pagpapapanagot sa mga lumalabag sa batas.” /Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here