MANILA, Philippines – Nagbabala ang mga opisyal ng mga bayan sa paligid ng Lake Mainit, na nasa hangganan ng Agusan del Norte at Surigao del Norte, sa patuloy na pagbaba ng populasyon ng Pijanga (Glossogobius giuris), isang katutubong isda na matagal nang pinagkukunan ng kabuhayan ng mga mangingisda sa lugar.
Batay sa datos ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) Caraga mula sa National Stock Assessment Program (NSAP), tuloy-tuloy ang pagbagsak ng huli ng Pijanga mula 2014 hanggang 2024.
Ayon kay senior aquaculturist Joyce Baclayo, lahat ng pangunahing sukatan ay umabot na sa “limit reference points” na indikasyon ng overfishing at pagkawala ng reproductive potential ng isda.
Dating bumubuo ng halos 78% ng kabuuang huli sa lawa ang Pijanga, ngunit ngayon ay nanganganib itong maubos dahil sa labis na pangingisda, pagkasira ng tirahan at paggamit ng mapaminsalang kagamitan.
Tinawag ni Jabonga Vice Mayor Danny Moran ang ulat bilang isang “wake-up call” at nanawagan ng agarang pagpasa ng mga polisiya para protektahan ang Pijanga.
Samantala, iminungkahi ni Regional Agricultural and Fishery Council (RAFC) chair Christopher H. Lindo ang pagbuhay muli sa Lake Mainit Development Alliance (LMDA) upang bumuo ng iisang ordinansa sa paggamit ng fishing gear at pagpapatupad ng closed season sa buong lawa.
Kabilang sa mga pangunahing isyung tinalakay ang regulasyon ng “Laya” o boat cast net na pangunahing ginagamit sa paghuli ng juvenile fish.
Ayon sa mga stakeholder, saklaw ng gamit nito halos buong lawa, na sumisira sa breeding areas at nagdudulot ng mataas na mortality sa Pijanga.
Bagama’t may ilang bayan gaya ng Kitcharao na nagpapatupad ng tatlong buwang closed season sa Laya, nananatiling hati-hati ang mga hakbang dahil walang iisang polisiya.
Kasama rin sa rekomendasyon ang pagtatayo ng fish sanctuaries, pagpapatupad ng size limits, pagbabawal sa huli ng juvenile Saguyon, at pagbibigay ng alternatibong kabuhayan sa mga mangingisdang maaapektuhan ng restriksiyon.
“Collaboration, cooperation, convergence — that’s how we save Lake Mainit,” giit ni Lindo. RNT/JGC