MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Tourism (DOT) nitong Biyernes, Agosto 8 ang groundbreaking para sa bagong passenger terminal building ng Siargao Airport na magpapalawak ng kapasidad nito nang halos apat na beses.
Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, tataas sa 750 mula sa kasalukuyang 200 ang pre-departure seating capacity ng paliparan sa oras na matapos ang bagong terminal.
Magdaragdag din ng anim na check-in counters para mas maging maginhawa ang biyahe ng mga pasahero.
Target na makumpleto ang proyekto sa loob ng walong buwan o sa unang bahagi ng susunod na taon, sakto umano para sa pagdagsa ng mga turista at delegado sa gaganaping ASEAN Summit.
Kasabay nito, sinabi ni Dizon na makikipagtulungan siya kay Tourism Secretary Christina Frasco upang mapababa ang presyo ng pamasahe papuntang Siargao, na tinaguriang surfing capital ng bansa.
Aniya, hindi katanggap-tanggap na umaabot sa P20,000 hanggang P25,000 ang presyo ng tiket, mas mahal pa kaysa biyahe papuntang Japan o Hong Kong.
Dagdag pa niya, ang pinakamabisang paraan para bumaba ang pamasahe ay ang pagpapalawak ng runway upang makalapag ang mas malalaking jet na may kapasidad ng hanggang 300 pasahero, kumpara sa kasalukuyang turboprop planes na may 70-seater lamang.
Gayunman, aminado si Dizon na matatagalan ito dahil sa mga environmental challenges.
Hindi rin kasama ang runway expansion sa unsolicited proposal ng Gokongwei Group at Filinvest Group para sa rehabilitasyon ng paliparan.
Ayon kay Dizon, gobyerno ang dapat magpatupad ng runway project dahil sa laki ng gastos at posibleng hindi mabawi ng pribadong sektor ang puhunan. RNT/JGC