MATINDI talaga ang baha, ke namamahay nang matagal o hindi.
Bukod sa pagsira nito sa buhay sa pamamagitan ng lunod o landslide, nagdudulot pa ito ng mga sakit na nakamamatay, kasama ang leptospirosis at dengue.
Dahil sa mga baha na naganap nitong buwan ng Hulyo, 2025, nagkasakit ang libo-libong tao at ngayo’y punuan na ang mga emergency ward sa halos lahat ng mga pampublikong ospital, lalo na sa Kamaynilaan.
KARAMBOLA
Kabilang sa mga umangal sa pagdagdagsa ng mga pasyente, lalo na sa leptospirosis, ang Philippine General Hospital at ngayo’y punuan na rin ang San Lazaro General Hospital.
Sumunod na ang mga ospital na pinangangasiwaan ng Manila gaya ng Ospital ng Maynila at iba pa.
Punuan din ang Quirino Medical Center at East Avenue sa Quezon City, Valenzuela Medical Center sa Valenzuela City at Pasay City General Hospital.
Dahil punuan, sinasabihan na lang ang mga pasyente na maghanap ng ibang mga ospital o kaya’y maging outpatient na lang kung hindi emergency ang kalagayan.
At alam ba ninyo ang ibig sabihin ng punuan?
Kulang ang mga kama at kwarto kaya may mga naroroon na lang sa mga sahig o daanan ng mga tao.
At gaano kabigat, mga Bro, ang nasa ambulansya o sasakyan lang na pumupunta sa iba’t ibang ospital upang makahanap ng tatanggap sa kanila?
Gaano kahirap ang maramdaman mo kong aabot ng siyam-siyam ang paghihintay mo sa diagnosis ng doktor sa rami ng mga nakapila nang maghapon o magdamag bago matanggap?
Hindi naman problema sa parte ng mayayaman na karaniwang sa mga pribadong ospital sila tumatakbo at magpagamot.
Dahil na rin sa rami ng mga kasong emergency, nagsabi na si Manila Mayor Isko dapat nang tumakbo ang mga pasyente sa mga kontrolado ng Department of Health na nagsabing nagbukas na mga DOH-controlled hospitals ng mga emergency lane.
Anak ng tokwa, parang panahon ito ng Covid-19 na karambola ang paghahanap ng ospital para sa mga biktima.
HINDI BIRO-BIRO
Kapag tinamaan ka ng leptospirosis, magdasal-dasal ka na kay Lord na huwag ka munang humarap sa kanya.
Alalahaning sa bawat 100 na pasyente rito, 10 ang minamalas at karaniwang mahihirap.
Mahihirap dahil sa kawalan o labis na kakulangan ng panggastos sa pambili ng gamot at pagpapaospital.
Ang sabi ng DOH, may sapat na gamot pero gaano ka-available ito sa mga ospital na pagdadalhan sa iyo?
Ayon sa DOH, mula Hunyo 8 hanggang kamakailan lamang, may naospital nang 2,396 at mahigit kalahati ito sa 5,050 na nalepto mula Enero hanggang Oktubre 2024.
Ibig sabihin niyan, maaaring matindi ang lepto sa mahal kong Pinas sa mga darating na mga buwan lalo na kung iisipin na aanim pa lang na bagyo ang tumama sa atin at may 14 pa hanggang Disyembre.
Kapag sunod-sunod ang mga bagyo, kasama ang ulan at habagat, posibleng tuloy-tuloy rin ang paglaganap ng leptospirosis, dengue at iba pang mga sakit na likha ng masamang panahon.
Tiyak ding magtuloy-tuloy rin maging punuan ang mga ospital.
Ano na ngayon ang inihahanda ng pamahalaan sa ganitong kalagayan?






