MANILA, Philippines – Magsasama-sama sa isang tuwid na linya ang anim na planeta at matutunghayan sa gabi ngayong Agosto, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Simula Agosto 10, makikita sa madaling-araw ang pagkakaayos ng Saturn, Neptune, Uranus, Jupiter, Venus at Mercury.
Sa Agosto 12, maglalapit nang husto ang Venus at Jupiter bandang 2:39 ng hapon at magtutugma ang kanilang right ascension pagsapit ng 4:00 p.m., kung saan daraan ang Venus sa timog ng Jupiter sa layong 51.6.
Bagama’t magaganap ito habang nariyan ang araw, pinakamainam umano itong makita dakong alas-5 ng umaga.
Parehong matatagpuan sa konstelasyong Gemini ang dalawang planeta, kung saan mas maliwanag ang Venus sa magnitude -4.0 kumpara sa magnitude -1.9 ni Jupiter.
Ayon sa PAGASA, sa buong Agosto ay sisikat sa silangan tuwing gabi ang Saturn, samantalang makikita rin sa madaling-araw ang Venus at Jupiter.
Samantala, mababa naman ang posisyon ng Mercury sa silangang abot-tanaw at mas malinaw itong matatanaw mula kalagitnaan hanggang katapusan ng buwan. RNT/JGC