MANILA, Philippines – Karamihan ngayon sa mga bagong nakapagpatala para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) ang mga kabataan, sinabi ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, sa halos 2.8 (2,727,643) milyon ang mga nagpalista para makaboto sa Brgy at SK Elections, nasa 65-67% ng mga nagpatala ay mga kabataan kabilang ang mga bagong botante.
Sinabi ni Garcia, pasok pa rin bilang botante ang mga nagparehistro maliban na lamang kung may reklamo laban sa kanila na ihahain sa Election Registration Board.
Giit pa ng Comelec, hindi nasayang ang pagpaparehistro ng mga botante sa nakalipas na 10 araw ng Agosto kahit pa maipagpaliban ang BSKE.
Naging matagumpay at pangkalahatang payapa ang registration period bagamat may naitalang mga nahilo sa isang lugar dahil sa dami ng mga nagparehistro.
Sakali namang matuloy ang muling pagpapaliban ng BSKE, sinabi ni Garcia na magkakaroon muli ng pagpapatala sa ikatlong linggo ng Oktubre. Jocelyn Tabangcura-Domenden