MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang kay Vice President Sara Duterte na dapat ay noon pa nito ginawa ang pagtugon sa alegasyon ukol sa di umano’y maling paggamit niya confidential funds bago dumating ang usapin at umabot sa impeachment proceedings.
Nauna rito, sinabi kasi ni VP Sara na magpapaliwanag ang kanyang kampo sa tamang forum kaugnay sa alegasyon ukol sa di umano’y maling paggamit sa kanyang confidential funds kahit pa may pagbabago sa kanyang impeachment case.
“Kung may kaso, sa tamang forum mag-eexplain kami. Nagsabi kami noong nag-file sila ng articles of impeachment nila na ready ang defense team na sumagot sa accusations ng prosecutors ng House,” ang sinabi ni VP Sara sa sidelines ng Kadayawan Festival sa Davao City.
“Noong umakyat sa Supreme Court ang kaso, lahat ng hiningi ng Supreme Court ay ibinigay namin. Doon sa mga tamang forum at tamang venue, nagbibigay kami ng saktong sagot at nagbibigay kami… ng explanation ng mga accusations,” dagdag na wika nito.
Hindi pwede na moro-moro na kung saan lang nagbibigay ng akusasyon at kung saan, kung kelan lang nila gusto mag-akusa ng tao,” aniya pa rin.
“Noon pa po dapat niya ginawa,” ang buweltang komento naman ni Castro sa pahayag na ito ni VP Sara.
“Noon pa lang dapat nalinis na po sa COA pa lang noong nagkaroon ng AOM, bago pa nagkaroon ng notice of disallowance dapat ay naipaliwanag na nang maayos. Hindi na darating ito sa impeachment proceedings kung naging maliwanag lamang ang kaniyang pag-e-explain lalo na ng kaniyang mga tauhan na mula yata sa accountant hanggang kay Atty. Zuleika Lopezay walang alam kung papaano nagastos ang confidential funds niya,” ang litaniya ni Castro. /Kris Jose