Home NATIONWIDE Kulong sa mga tiwaling sangkot sa flood control projects, nais ni JV...

Kulong sa mga tiwaling sangkot sa flood control projects, nais ni JV Ejercito

256
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador JV Ejercito nitong Martes na arestuhin ang malalaking personalidad na nauugnay sa mga iregularidad sa mga flood control projects, na nagdulot ng posibleng “sabwatan” sa pagitan ng mga opisyal ng gobyerno at pribadong kontratista.

Binigyang-diin ni Ejercito, na nagsisilbing Senate deputy majority leader, na mayroong “special place in hell” na nakalaan para sa mga ghost and fraudulent flood control projects sa bansa.

“Kailangan talagang may managot, kailangang may makulong, kasi otherwise walang magtatanda eh. I think ito ang problema ng ating bansa—walang natatakot kasi wala namang big fish na nahuhuli,” saad ng senador.

“Kung meron man, small fries. Pero subukan niyong magpakulong ng talagang mga matataas na opisyal diyan para magtanda,” dagdag niya.

Sumagot din si Ejercito nang tanungin kung dapat na bang tumabi si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa gitna ng imbestigasyon sa mga bigong proyekto sa pagbaha.

“Pero si Secretary Bonoan, sa tingin ko, with his advanced age I think he wants a legacy. Pero ‘yung mga nasa baba niya, lahat ‘yan marami tayong naririnig…even the Usecs, Asecs, and director levels,” aniya.

Maaalalang ibinunyag ni Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. noong Lunes na 20% ng kabuuang P545 bilyon na badyet ng mga flood control projects ay iginawad sa 15 kontratista lamang. Lima sa mga kontratang ito, dagdag ng Pangulo, ay may mga proyekto sa halos lahat ng rehiyon sa buong bansa.

Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address, nangako si Marcos na titiyakin na mananagot ang mga sangkot sa mga maanomalyang proyekto sa pagkontrol sa baha. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here