BOHOL, Philippines – Nahaharap sa mabibigat na kaso ang isang pulis mula sa Guindulman Municipal Police Station sa Probinsya ng Bohol matapos iulat ng isang American national na binantaan at sigawan umano siya ng opisyal sa labas ng palengke ng bayan noong Lunes ng hapon, Agosto 11, 2025.
Kinilala ang opisyal na si Police Corporal Marcelo Olaer, kilala rin bilang “Siloy,” na iniulat na lasing sa insidente.
Sa Facebook post ni Kenny Foster, ang American national, sinabi niya na habang nasa labas siya ng palengke, inutusan siya ng opisyal na huminto. Gayunpaman, nang susunod na sana siya, tinulak umano siya ng opisyal at agad na hinablot ang kanyang baril.
Ang opisyal ay nagpatuloy sa pagsigaw, lumingon, at tinutuya sila. Nangangamba ang mga nakasaksi sa palengke na baka mauwi sa pamamaril ang sitwasyon.
Hindi pa rin nakuntento, sinipa umano ni Olaer ang motorsiklo ni Foster at tinangkang saktan ang kanyang asawa, na hawak ang kanilang anak. Pagkatapos ay tinanong niya ito kung ano ang kanyang nasyonalidad.
Sinubukan ni Foster na protektahan ang kanyang asawa, ngunit sinuntok umano siya ni Olaer sa tagiliran na nagdulot ng mga pinsala sa kanyang tadyang.
Tumawag si Foster sa 911 hotline, at makalipas ang ilang minuto, dumating ang mga pulis mula sa Guindulman.
Gayunpaman, sinabihan umano sila ng mga rumespondeng opisyal na umuwi at umiba na lamang ng ruta.
“I called 911 and a couple of cops came over. Removed him from the situation. Let us go to the police station outpost while on the phone and when he was still screaming ‘F*** you!’, throwing fingers in my face, he punched me in the ribcage and pushed me a few times,” saad ni Foster.
Nagsampa ng pormal na reklamo si Foster sa Guindulman Municipal Police Station laban kay Olaer.
Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Norman Nuez, tagapagsalita ng Bohol Police Provincial Office (BPPO), na inatasan na nila ang hepe ng Guindulman na kumuha ng affidavit mula sa dayuhan para ituloy ang kasong kriminal at administratibo.
“Ako napud nga gi call up ang attention sa invest, sa kasalukuyan itong americano kaganinang umaga kanina sa police station sa Guindulman ako gika estorya ang hepe para pormal na makuha nila og statement ang mga foreigner na ni reklamo sa usa ka police na parang hulga sa akong tan-aw…and that report mao sad nay basehan sa atung investigator para pud na sumagot sa police ang kanyang reklamo.” (Tinawag ko rin ang atensyon ng imbestigador. Kaninang umaga, nagtungo umano sa Guindulman police station ang Amerikano. Nakipag usap ako sa hepe para pormal silang makakuha ng statement mula sa dayuhang nagreklamo tungkol sa isang pulis na, sa aking pananaw, ay gumawa ng mga pagbabanta… at ang ulat na iyon ay magsisilbing batayan ng aming imbestigador para makasagot ang opisyal sa reklamo.)
Bukod dito, magsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang Provincial Investigation and Detective Management Unit ng Bohol Police Provincial Office (BPPO).
Aminado si Nuez na hindi ito ang unang reklamo laban kay Corporal Olaer. Noong 2020, noong si retired Police Brigadier General Jonathan Cabal pa ang hepe ng pulisya ng probinsiya, si Olaer ay kinasuhan din ng pagpapaputok ng kanyang armas habang lasing.
Dahil dito, nahaharap siya sa mga kasong administratibo at nasuspinde at na-demote mula sa Police Master Sergeant hanggang sa Corporal.
Nabanggit ni Nuez na sa pangkalahatan ay isang mabuting opisyal si Olaer, ngunit ang kanyang pag-uugali ay lubhang nagbabago kapag siya ay lasing.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, ang mga inilabas na baril ni Olaer, ay kinumpiska, at maaari siyang ilagay sa ilalim ng paghihigpit sa kampo.
“Gi disarmahan nato sa long at short firearm nya siguro dako og chance na itransfer to sa kampo Dagohoy tong tawhana pud second time around unya i restrict,” (Nadis-armahan namin siya pareho ng mahaba at maiikling baril niya, at malaki ang posibilidad na mailipat siya sa Camp Dagohoy at malagay sa ilalim ng paghihigpit, lalo na’t ito ang kanyang pangalawang pagkakasala.) ayon kay Nuez.
Magsasagawa rin ang Provincial Internal Affairs Service ng hiwalay na imbestigasyon sa kasong administratibo ni Olaer. RNT/MND