MANILA, Philippines – Pormal na pinalitan ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan nitong Martes si Senator Robin Padilla bilang chairperson ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes.
Inaprubahan ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang mosyon ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito sa plenaryo para ihalal si Pangilinan matapos walang tumutol na senador.
Si Pangilinan, isang abogado, ay dati nang namuno sa Senate panel sa constitutional amendments, na siyang responsable sa lahat ng usapin ng pagmumungkahi ng mga pagbabago sa Konstitusyon ng Pilipinas at ang rebisyon ng mga umiiral na code.
“I accept this responsibility with humility and a firm resolve to safeguard the democratic ideals enshrined in our Constitution,” saad ni Pangilinan.
“The Constitution belongs to the people, and any move to change it must be anchored on their aspirations and welfare. It must also undergo a thorough, principled, and participatory process,” dagdag niya.
Itinaas ni Senate Majority Leader Joel Villanueva nitong Lunes ang posibilidad na ibigay ni Padilla ang chairmanship ng constitutional amendments committee kay Pangilinan, na inamin na ang pagiging abogado ay bahagi ng mga konsiderasyon sa kung sino ang dapat mamuno sa panel.
Nauna nang inihain ni Padilla ang isang resolusyon na naglalayong rebisahin ang 1987 Constitution sa pamamagitan ng constitutional convention. RNT/MND