MANILA, Philippines – Nais ma-imbestigahan ng kampo ni Rep. Leila de Lima ang mga prosecutors na umaabuso sa kapangyarihan.
Ngayong araw, Agosto 14, pormal na naghain ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) si Mamamayang Liberal Party-List Representative Leila de Lima laban sa ilang mga prosecutors ng DOJ.
Sa isinumiteng pormal na reklamo ng mambabatas sa pamamagitan ng kanyang ikinatawan na si Atty. Dino de Leon, reklamong grave misconduct and gross ignorance of the law ang kanilang inihain.
Sinabi ng kampo ng mambabatas na hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin tumitigil ang mga prosecutors sa paghahabol sa kaso ni De LIima.
Ayon sa ML Party-List, na-abswelto na ito at nadismiss na ang kaso sa hukuman.
Noong Hulyo 23, inatasan na rin aniya nina Justice Secretary Crispin Remulla at Prosecutor General Richard Fadullon sa pamamagitan ng memorandum ang mga DOJ Prosecutors na i-withdraw o iatras na ang Motion for Reconsideration na dating inihain ng DOJ.
Paliwanag ni Atty. De Leon, nais nila maimbestigahan ang umano’y umabuso sa kapangyarihan na mga prosecutors.
Dagdag pa ng abogado, ang hakbang na ito ay simula pa lamang dahil nais din nilang papanagutin ang mga nasa likod kung bakit ito nakulong noong panahon ng administrasyong Duterte. Jocelyn Tabangcura-Domenden