NAKATAKDANG ilunsad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang isang malawakang “infrastructure audit program” upang masuri ang kaligtasan at tibay ng mga kritikal na pasilidad na pag-aari ng lokal na pamahalaan, lalo na sa mga lugar na matatao at matatagpuan sa kahabaan ng mga aktibong fault line.
Layunin ng programa na gawing pare-pareho ang pamantayan sa pagsusuri ng lokal na imprastruktura gamit ang isang “harmonized audit tool” na binuo sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, lokal na yunit at mga stakeholder.
Prayoridad dito ang mga gusaling nagbibigay ng mahahalagang serbisyo kagaya ng mga ospital, paaralan, tanggapan ng pamahalaan, at emergency response facilities. Hindi saklaw ng awdit ang mga pribadong gusali na walang essential services, mga tirahan, at mga pasilidad na pag-aari ng pambansang pamahalaan.
Ayon sa DILG, ang resulta ng awdit ay ilalagay sa isang integrated database na sila ang mamamahala, upang magsilbing batayan sa risk assessment, pagpaplano, at paggawa ng polisiya sa pambansa at lokal na antas.
Bawat lokal na pamahalaan ay inaatasang bumuo ng audit team na pamumunuan ng lokal na punong ehekutibo, kasama ang mga pangunahing opisyal at kinatawan mula sa civil society na may kasanayan sa engineering.
Magtatatag din ang mga regional office ng DILG ng Local Infrastructure Learning Hubs na tutulong sa pagsasanay at koordinasyon ng mga lokal na koponan, katuwang ang engineering associations, akademya, at pribadong sektor.
Matagal nang pinaghahandaan ng Metro Manila ang “The Big One” na tumutukoy sa posibleng 7.2 Magnitude na lindol na maaaring idulot ng West Valley Fault, isang aktibong fault system na tumatakbo mula sa Bulacan, dumaraan sa Metro Manila, hanggang Laguna at Cavite. Ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), maaari itong magresulta sa:
– Mahigit 30,000 katao ang maaaring mamatay sa unang yugto ng pagyanig.
– Pagsira sa mahigit 170,000 bahay at daan-daang gusali kabilang ang mga ospital at paaralan.
– Malawakang pagkawala ng kuryente, tubig, at komunikasyon sa loob ng ilang Linggo o buwan.
– Panganib ng sunog, landslide, at iba pang sekondaryong sakuna.
Kaya’t itinuturing na napakahalaga ng mga hakbang kagaya ng infrastructure audit ng DILG upang matukoy kung alin sa mga pasilidad ng pamahalaan ang kailangang palakasin, ayusin, o ilipat mula sa high-risk zones bago pa man mangyari ang sakuna.






