MANILA, Philippines – Iimbitahan ng bubuuing tri-committee ng Kamara si Baguio City Mayor Benjamin Magalong kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Nauna nang sinabi ni Magalong na may ilang mambabatas at kontratista na tumatanggap umano ng 30 hanggang 40 porsyento ng pondo bilang kickback. Tinawag niya itong “widespread” at “highly syndicated.”
Ayon kay Bicol Saro Rep. Terry Ridon, chairman ng Committee on Public Accounts, hihingan si Magalong ng testimonya sa ilalim ng panunumpa upang pangalanan ang 67 mambabatas at kontratistang kanyang nabanggit. “Kailangan niyang magprisinta ng dokumento at pangalanin ang mga sangkot sa ilalim ng panunumpa,” ani Ridon sa isang forum sa Quezon City.
Dagdag pa ni Ridon, kung may kongresistang mababanggit, magrerecuse ang komite at ipapasa ang kaso sa third-party o executive-led probe para maiwasan ang conflict of interest.
Ang tri-committee, na bubuuin sa mga susunod na linggo, ay binubuo ng mga komite sa public accounts, public works, at good government.
Nauna nang iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa DPWH na magsumite ng listahan ng lahat ng flood control projects mula nang magsimula ang kanyang termino noong 2022. RNT