Home HOME BANNER STORY Ama ng biktima ng leptospirosis naghain ng administrative complaint vs mga pulis

Ama ng biktima ng leptospirosis naghain ng administrative complaint vs mga pulis

242
0

MANILA, Philippines – Maghahain ng reklamong administratibo laban sa ilang pulis ang ama ng isang altar server na namatay sa leptospirosis matapos lumusong sa baha sa paghahanap sa kanya.

Anang ama ng biktima, siya ay hinuli ng mga pulis sa isang “pangsakto” o wanton arrests para maabot lamang ang kanilang quota.

Sinamahan ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David si Jayson Dela Rosa para maghain ng reklamo sa National Police Commission (NAPOLCOM) sa Quezon City nitong Lunes, Agosto 18.

“The NAPOLCOM will always be on the side of truth and justice. We will ensure that every complaint is given due process, for no policeman is above the law, and every citizen deserves protection under it,” ani NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente Calinisan.

Matatandaan na napabalitang lumusong sa mga bahang kalsada sa Caloocan ang anak ni Jayson na si Dion para hanapin siya matapos hindi makauwi ng bahay noong Hulyo 22.

Noong Hulyo 25, nakita na lamang ni Dion ang ama na naka-detain sa police substation matapos siyang maaresto sa paglalaro ng cara y cruz, isang illegal gambling sa ilalim ng lumang batas ng Pilipinas.

Ilang araw matapos nito ay nakaranas na lamang ng lagnat at pananakit ng katawan si Dion na kalaunan ay namatay dahil sa leptospirosis.

Si Jayson ay pinalaya noong Agosto 2 na pinaniniwalaan umanong biktima ng “pangsakto” o para maabot ang quota ng pulisya.

Itinanggi naman ng Caloocan police ang alegasyon ng “pangsakto” at sinabing agad nilang sinabihan ang iba pang mga istasyon ng pulisya nang humingi ng tulong ang ina ni Dion na si Jennelyn. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here