MANILA, Philippines – Kinasuhan ng kidnapping with homicide ang ama at stepmother ng pitong taong gulang na batang babae na natagpuang patay sa baybayin ng Dagupan City, Pangasinan.
Naunang naiulat na nawawala ang bata noong Agosto 14 matapos umano siyang sapilitang isakay sa isang puting SUV. Kinabukasan, natagpuan ang kanyang bangkay na walang saplot at nakalagay sa isang garbage bag sa Tondaligan Beach.
Sa pamamagitan ng CCTV at dokumento ng nirentahang sasakyan, natukoy ang mga suspek na mismong ama at stepmother ng bata. Agad silang inaresto sa kanilang bahay sa Sison, Pangasinan.
Ayon sa imbestigador, posibleng motibo ang paghihiganti dahil matagal nang nagtatalo ang mga magulang ng bata ukol sa suporta. Ibinulgar din ng ina na palihim na kinuhaan ng ama ng DNA swab ang bata at kalaunan ay iginiit na hindi niya ito anak. Santi Celario