Home NATIONWIDE Panukalang mandatory drug test sa gov’t officials labag sa Konstitusyon – Malakanyang

Panukalang mandatory drug test sa gov’t officials labag sa Konstitusyon – Malakanyang

368
0

MANILA, Philippines – BINASURA ng Malakanyang ang isinusulong ni Senador Robin Padilla na Senate Bill 1200 o Drug-Free Government Act, pagsasailalim sa taunang mandatory drug testing sa lahat ng mga halal at itinalagang opisyal ng gobyerno kasama ang Pangulo ng bansa.

Giit ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, malinaw na paglabag sa “right to privacy” ang panukalang batas at nagbabala na mauuwi lamang sa pagsasayang ng government resources ang gagawin na ito ng senador.

“So, ang nais po ni Senator Robin Padilla ay lahat ng public officers? Sana po ay nabasa niya na po ang desisyon ng korte patungkol po dito. Social Justice Society versus Dangerous Drugs Board 2008 kung saan hindi po hinahayaan at ito ay labag sa konstitusyon at sa privacy kung lahat po,” ayon kay Castro.

“Kapag sinabi po nating lahat, universal testing – mandatory universal or universal testing; ang allowed lamang po ay ang random drug testing. So, baka magsayang lang po ng oras at pera/pondo si Senator Robin Padilla, aralin po muna niya po ang nais niyang gawing batas,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, nilinaw ni Castro na ang binibigyang diin niya rito ay ang unconstitutionality ng batas at hindi ang pagkontra o hindi pagpabor sa drug testing.

Sa ulat, isinulong ni Sen. Robin Padilla na sumailalim sa taunang mandatory drug testing ang lahat ng mga halal at itinalagang opisyal ng gobyerno kasama ang Presidente ng bansa.

Sa Senate Bill 1200 na tatawaging Drug-Free Government Act kapag naging batas, sinabi ni Padilla na dapat i-institutionalize ang taunang mandatory drug test sa mga pampublikong opisyal, gayundin ang voluntary random drug testing sa mga kandidato sa eleksiyon sa loob ng 90 araw bago ang halalan.

Binigyang-diin ni Padilla na bilang mga empleyado ng mga pampublikong tanggapan, ang mga opisyal ay dapat ding sumailalim sa mandatory random drug testing, alinsunod sa kanilang mandato na isulong ang kapakanan ng publiko at tumulong na mabawasan, kung hindi man maalis, ang paggamit at pang-aabuso ng droga sa mga komunidad.

Sa ilalim ng panukala, isasagawa ang pagsusuri sa pamamagitan ng hair follicle drug test para sa paunang screening, na maaaring ma-detect ang positibong resulta at ang uri ng gamot na ginamit, at urine drug test para sa confirmatory testing upang mapatunayan ang anumang positibong result.

Ang resulta ng drug test na ilalabas ng isang accredited drug testing facility ay magkakabisa sa loob ng isang taon.

Kapag napatunayang positibo, maaari silang masuspinde o matanggal sa tungkulin alinsunod sa umiiral na batas. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here