MANILA, Philippines – Naglaan ang Mandaue City government ng halos ₱700 milyon para sa iba’t ibang flood control at drainage projects sa nakalipas na pitong taon, kasunod ng paglikha sa Drainage Master Plan nito noong 2018.
Ayon kay Mayor Thadeo Jovito “Jonkie” Ouano, batay sa rekord ng lungsod, nasa P657 milyon ang nagtastos sa flood mitigation projects, kabilang ang mga nasa Butuanon River.
Ito ay hiwalay sa ipinatutupad ng pamahalaan sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Mula 2022 hanggang 2025, naglaan ang DPWH ng higit P3 bilyon para sa flood control projects sa Mandaue City, na karamihan dito ay ipinatutupad din sa Butuanon River.
Ipinag-utos ni Mayor Ouano sa City Engineering Office at DPWH na inspeksyunin ang lahat ng nagpapatuloy at mga nakumpletong flood control projects upang masiguro na naabot ng mga ito ang design at construction standards.
Sa hiwalay na panayam, sinabi naman ni Architect Marlo Ocleasa, pinuno ng City Planning and Development Office, na karamihan sa city-funded flood control projects ay nagkakahalaga ng mas mababa sa tig-P50 milyon.
Ipinaliwanag niya na ang mga hakbang na ito ay nakatuon sa pagresolba sa mga chokepoint, partikular sa A.S. Fortuna Street, kung saan nagsasama-sama ang mga tubig.
“Most of our projects target areas with poor drainage or where water flow is obstructed. We prioritize building proper outfalls to accommodate runoff from higher-elevated areas,” ani Ocleasa.
Nagpasalamat naman ito sa suporta ng ahensya at sinabing maraming DPWH-led projects ang ipinatupad nang may pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan.
Ayon kay Ocleasa, ang DPWH ay mayroong Metro Cebu Drainage Plan na nakaayon sa Drainage Master Plan ng Mandaue.
Aniya, ang full implementation ng drainage master plan ay mahalaga sa pagtugon sa palagiang pagbaha sa lungsod. RNT/JGC