MANILA, Philippines – Sa Setyembre 8 na sisimulan ang pag-imprenta ng opisyal na balota para sa Oct.13 Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE).
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na kukumpletuhin ang pag-imprenta ng higit sa 2.3 milyong balota sa loob ng pitong araw sa National Printing Office (NPO) sa Quezon City.
Kasama sa isang linggong target ang verification process.
Ipinagpaliban ng Comelec ang pag-imprenta ng BPE ballots na dapat sanang nagsimula noong Huwebes matapos makatanggap ng impormasyon na makakaapekto sa ballot faces at pag-imprenta ng mga balota ang paghahati sa pitong parliamentary seats.
Isasaayos muli ng Bangsamoro Parliament ang mga distritong ibabahagi ng pitong puwesto sa distrito ng parlyamentaryo, na orihinal na nasa ilalim ng Sulu, kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na hindi kasama ang lalawigan sa rehiyon.
Ang mga parliamentary district ay ipapamahagi sa Lanao del Sur, 9; Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur, tig-5; Basilan at Tawi-Tawi, tig-4; Cotabato City, 3; Espesyal na Heyograpikong Lugar, 2. Jocelyn Tabangcura-Domenden