MANILA, Philippines – Sarado sa mga motorista ang dalawang bahagi ng national road sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Cagayan Valley dahil sa pinagsanib na epekto ng tropical cyclone Isang at Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Sabado, Agosto 23.
Ayon sa DPWH, hindi madaanan ang bahagi ng Lubuagan-Batong Buhay-Abra Boundary Road sa CAR, na matatagpuan sa K0465+100, Colong, Lower Uma sa Lubuagan, Kalinga, dahil sa pagguho ng lupa.
Nagpapatuloy ang road monitoring dito at isasagawa ang clearing operations sa oras na dumating na ang mga kagamitan.
Hindi rin madaanan ang bahagi ng Jct Victoria Maddela – Alicia – Kasibu Boundary Road sa Cagayan Valley, na matatagpuan sa K0394+0450 hanggang K0394+0550, sa Barangay San Manuel, Aglipay, Quirino.
Nagpapatuloy naman ang clearing operations dito habang inilagay din ang mga traffic at warning sign.
Samantala, mayroong kabuuang 36 piraso ng kagamitan at 226 tauhan ang ipinadala sa CAR, National Capital Region (NCR), Negros Island Region (NIR), at Ilocos Region, Cagayan Valley, at Central Luzon para sa clearing operations at pagmonitor sa mga kalsada sa epekto ng bagyo. RNT/JGC