DAVAO CITY, Philippines – Inakusahan ni Vice President Sara Duterte ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng umano’y pagsasagawa ng kampanya upang sirain ang kanyang reputasyon at ilihis sa kanya ang mga kontrobersiyang kinakaharap ng Pangulo.
Sa press briefing sa Davao City nitong Martes, Oktubre 6, sinabi ni Duterte na ang Palasyo at administrasyon ni Marcos ang nasa likod umano ng naturang kampanya.
“Who’s behind the smear campaign against me? The Palace. The administration. BBM (Bongbong Marcos). You can see it in the declarations and statements from the Office of the President,” ani Duterte.
Ayon sa Bise Presidente, naging malinaw umano ito sa kasagsagan ng impeachment proceedings laban sa kanya, kung saan ang mga alegasyon ng korapsyon na dapat aniyang sagutin ni Marcos ay iniuugnay sa kanya.
“All the allegations of corruption that BBM should answer for are being pinned on me,” ani Duterte, habang tinutukoy ang alegasyon tungkol sa mga maleta ng pera na ibinato ni dating kongresista Zaldy Co.
“The suitcase issue is his (BBM). According to Zaldy Co, he received a suitcase. Until now, he has not answered it,” dagdag niya.
Binanggit din ni Duterte ang mga alegasyon kaugnay ng umano’y palitan ng pera kapalit ng mga pirma ng mga miyembro ng House of Representatives para suportahan ang impeachment complaint, gayundin ang mga alegasyon sa unang impeachment complaint tungkol sa umano’y pagpapalabas ng mga proyekto.
Sinabi ni Duterte na naniniwala siyang sinusubukan ng administrasyon na lumikha ng mga katulad na alegasyon laban sa kanya.
Ginawa ni Duterte ang pahayag habang isa-isang sinasagot ang mga alegasyon laban sa kanya ni dating patrolman Rodulfo Mondigo Gracioso Jr.
Ayon kay Duterte, nakatulong sa kanyang pagkontra sa mga pahayag ni Gracioso ang detalyadong records ng kanyang mga tanggapan, kabilang ang mga schedule, larawan, diary at video.
Aniya, may mga archive ang dating tanggapan ng Davao City mayor at ang Office of the Vice President na maaaring magpatunay kung nasaan siya at ano ang kanyang ginagawa noong mga panahong tinutukoy sa mga alegasyon. RNT/MDS