Home NATIONWIDE Limitasyon sa ebidensya sa kaso ni Digong, tinutulan ng ICC prosecutors

Limitasyon sa ebidensya sa kaso ni Digong, tinutulan ng ICC prosecutors

1
0

THE HAGUE, Netherlands – Hiniling ng mga prosecutor ng International Criminal Court (ICC) na ibasura ang mosyon ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na limitahan sa 10,000 items ang ebidensyang maaaring gamitin sa kanyang crimes against humanity case.

Sa kanilang tugon na may petsang Oktubre 5, sinabi ng prosekusyon na ang malaking bilang ng ebidensya ay makatwiran at mahalaga sa pagpapatunay ng mga insidenteng sakop ng kaso at sa mas malawak na konteksto ng umano’y mga krimen.

“It is voluminous because it records the deaths of the thousands of individuals killed by the PNP in anti-illegal drug operations and the deaths of drug personalities while Mr Duterte was President,” ayon sa prosekusyon.

Itinanggi rin nito ang paglalarawan ng depensa sa pagsusumite ng mga dokumento bilang “dumping of documents,” at sinabing gumawa ito ng mga hakbang upang tulungan ang mga abogado ni Duterte sa pagsusuri ng materyal.

Ayon sa prosekusyon, nasa 62,034 na ang kabuuang naibunyag na items, kabilang ang 19,241 na nasa List of Evidence. Sa mga ito, 44,495 items ang bahagi ng dataset na itinuturing nitong mahalaga sa kaso.

Nauna namang hiniling ng depensa na bawasan ang 62,130 disclosed items sa maximum na 10,000, dahil umano sa dami at kalidad ng materyal. Sinabi ng mga abogado ni Duterte na mahigit 320,000 pahina ng dokumento at higit 1,000 audio-visual items ang kailangang suriin bago ang paglilitis.

Pinuna rin ng depensa ang umano’y maling paglalarawan at petsa ng ilang dokumento, mga nawawalang pahina, hindi mabasang records, duplicates at kawalan ng ilang translation o transcript.

Ayon sa prosekusyon, ang pagtatakda ng arbitraryong limitasyon ay maaaring magpilit sa kanila na hindi isiwalat ang materyal na ebidensyang kailangan ng depensa. Iginiit din nitong responsibilidad ng depensa na suriin ang mga ebidensyang isiniwalat bilang bahagi ng paghahanda nito sa paglilitis.

Sinabi ng prosekusyon na tinanggihan ng depensa ang anim na mungkahing agreed facts na maaaring magtanggal ng humigit-kumulang 42,511 items sa case record. Patuloy naman umano nitong tinutugunan ang mga lehitimong isyu sa disclosure.

Nasa kustodiya ng ICC sa The Hague si Duterte mula Marso 2025. Nakatakda namang magsimula ang kanyang paglilitis sa Nobyembre 30, 2026. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here