MANILA, Philippines – Hinamon ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag si Vice President Sara Duterte na ilahad ang tinutukoy nitong “conflict of interest” kaugnay ng imbestigasyon ng bureau sa mga alegasyon ni dismissed police officer Rodulfo Gracioso Jr. tungkol sa umano’y cash delivery.
Nauna nang hinamon ni Duterte si Matibag na magsampa ng kaso laban kay Gracioso bago niya ilabas ang sinasabi niyang conflict of interest ng NBI director.
“Bago ko ilabas yung conflict of interest ni Matibag, gusto kong makita kung totoo ba talagang professional siya na NBI director na kasuhan niya si Gracioso. Hindi man sa buong affidavit ni Gracioso kundi sa parte kung saan nagsinungaling si Gracioso laban sa akin,” ani Duterte.
Sinabi naman ni Matibag na mahirap niyang sagutin ang alegasyon dahil hindi malinaw kung ano ang tinutukoy na conflict of interest.
“Kung meron siyang nalalamang conflict of interest bilang bise presidente, responsible official, sabihin niya kung ano yung conflict of interest,” ani Matibag.
“And if there is a possible violation ako ng batas, then I should be responsible,” dagdag niya.
Hinimok din ni Matibag si Duterte na isumite sa NBI ang mga larawang ipinakita nito sa media na umano’y magpapatunay na wala siya sa Marinduque noong Holy Week 2019, taliwas sa alegasyon ni Gracioso na naghatid ito ng mga maleta ng pera sa kanya.
Ayon kay Matibag, kailangang i-authenticate at i-validate ang mga larawan dahil maaari umano itong manipulahin.
“Kaya nga even yung mga ibang larawan na pinirisinta na rin ni Gracioso, bina-validate namin, we have to authenticate, tinitingnan natin,” ani Matibag.
Hiniling niya kay Duterte na magsumite ng mga larawan at affidavit kung sino ang kumuha ng mga ito upang ma-verify ng NBI.
Sinabi rin ni Matibag na kung mapapatunayang nagsinungaling si Gracioso sa kanyang affidavit, hindi mag-aatubili ang NBI na magsampa ng kaso laban sa kanya.
Ayon kay Gracioso, mahigit P2 bilyon umano ang naihatid niya kay Sara Duterte, P1 bilyon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at P100 milyon kay Davao City Rep. Paolo Duterte, sa magkakahiwalay na transaksyon simula 2018. Sinabi niyang ginawa niya ito sa utos umano ng dati niyang amo na si dating House Speaker Lord Allan Velasco, na itinanggi rin ang mga alegasyon. RNT/MDS