PASAY CITY, Philippines – Sinibak at kinasuhan ang 13 pulis na sangkot matapos mamatay umano sa “sakal” ang lalaking kanilang inaresto dahil sa paninira ng mga gamit sa isang convenience store sa Pasay.
Sa ulat, sinabing dinakip ang nasawing si John Paul Magat, dahil sa panggugulo at panininira ng mga gamit sa isang convenience store.
Kaagad na rumesponde ang mga pulis nang tumawag ang empleyado ng tindahan ukol sa insidente.
“Itong victim natin napupumiglas, so itong mga pulis natin ni-restrain nila para maposasan, then madala sa substation,” ayon kay Pasay Police chief Police Colonel Joselio de Sesto.
Dumaing umano si John Paul na nahihirapang huminga at nagpatulong na madala siya sa ospital.
“Mga 9:23 ng gabi, humingi ng tulong ang biktima na baka puwede dalhin sa ospital kasi nahirapan siya huminga. So, dinala siya sa ospital at doon na siya nalugutan ng buhay,” ayon kay de Sesto.
Asphyxia due to manual strangulation, o pagkawala ng hangin sa katawan dahil sa pagsakal ang naging dahilan ng pagkasawi nito.
Kinabibilangan ito ng anim na pulis mula sa Pasay Police Substation 5, anim na mula sa South Police District’s mobile force battalion; at isa sa regional force battalion.
“Through CCTVs, nakita talaga namin yung tunay na pangyayari. Actually, kasi dinapaan nila ‘yun. nagpupumiglas, siyempre poposasan [kaya] dinapaan nila. Most likely ‘yun yung dahilan bakit siya na suffocate. Hindi naman ibig sabihin na sinakal talaga, puwede madaganan sa leeg,” paliwanag ni de Sesto.
Nangako si de Sesto na ilalabas nila ang totoong nangyari sa insidente.
Nahaharap ang mga inireklamong pulis sa reklamong maltreatment of prisoners at reckless imprudence resulting in homicide. RNT/MND