MANILA, Philippines – Ang mga tagapagtaguyod ng kapakanan ng mga hayop ay naglabas ng mahigpit na paalala sa publiko: ang kalupitan sa hayop ay isang kriminal na pagkakasala sa Pilipinas, kung saan ang mga may kasalanan ay nahaharap sa malalaking legal na epekto.
Kasunod ito ng ulat na isa pang aspin na nagngangalang Tiktok ang nailigtas ng BACH Project PH matapos matagpuan na may limang palaso na tumusok sa kanyang katawan.
Ang mga naturang gawain ay direktang paglabag sa Republic Act 8485, na kilala rin bilang Animal Welfare Act of 1998. Ang batas ay nagpapataw ng malinaw at matinding parusa, na ikinategorya ayon sa bigat ng pagkakasala.
“Iba-ibang category kasi ‘yan eh. Ganitong kaso katulad kay Tiktok, around six to 12 months ang puwedeng iparusa at pagmultahin ng P30,000. Kung namatay siya, parusa dito ay 18 to 24 months nang pagkakakulong at multa na P100,000,” saad ni People for the Ethical Treatment of Animals Philippines senior campaign manager Jana Sevilla.
Masayang iniulat ng BACH na si TikTok ay “not just surviving, but thriving!”
Hinimok naman ng BACH volunteer na si Nana Faulve ang mga tao na ihinto ang pananakit ng mga hayop.
“Kung hindi n’yo po kaya silang mahalin, please lang po huwag po natin silang saktan kasi meron din silang instinct na to love us human din po,” aniya. RNT/MND