MANILA, Philippines – Naaresto ng mga ahente ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang hinihinalang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na may kasong murder sa Cotabato nitong Huwebes.
Ayon sa CIDG, inilabas ng North Cotabato Regional Trial Court ang mga warrant of arrest para sa kasong murder at attempted murder noong Oktubre 2019 at Enero 2020, na isinilbi ng mga pulis.
Nasamsam sa pag-aresto ang isang .45 caliber pistol, steel magazine, anim na bala, apat na smartphone at tatlong keypad phone mula sa suspek.
Kinilala ang suspek sa alyas “Maro,” 29-anyos, at umano’y kasapi ng BIFF-Bungos Faction.
Batay sa imbestigasyon, kabilang umano si Maro sa 12 miyembro ng BIFF na umatake at pumatay sa isang nakatatandang residente na si Tiyo Takuranga Egap noong Abril 2019 sa Midsayap, North Cotabato.
Si Maro ay nasa talaan ng Number 9 Regional Level Most Wanted Person ng Police Regional Office 12.
Dahil sa mataas na panganib ng operasyon, kasama ng CIDG Maguindanao Provincial Field Unit sa pag-aresto ang PNP Special Action Force, Mindanao Area Police Intelligence Office, Regional Mobile Force Battalion 12 at 14-A, at ilang lokal na pulisya. Nahuli ang suspek sa kanyang bahay sa Kadayangan, Cotabato, Special Geographic Area. /Mary Anne Sapico