MANILA, Philippines – Nakikita bilang isang “creeping intrusion” ang pagpasok ng mga dayuhang ahente kabilang ang mga Chinese na indibidwal sa Philippine Coast Guard Auxilliary (PCGA) na nagdudulot ng banta sa seguridad, sinabi ng isang opisyal ng PCG.
Ginawa ni PCG representative Captain Xerxes Fernandez ang pahayag matapos banggitin ni Senator Risa Hontivers ang pagtanggal sa listahan ng 36 Chinese nationals sa PCGA noong nakaraang administrasyon, gayundin ang negosyanteng si Joseph Sy dahil sa kuwestiyonableng citizenship.
Tiniyak ni Fernandez na pinapabuti ngayon ng PCGA ang kanilang screening process para sa mga aplikante.
Sa ngayon aniya, nalaman nila na mayroong mga Chinese na nakatala sa PCGA.
Noong Lunes, binanggit ni Hontiveros ang pagkakasali ni Sy sa PCGA, na sinabing nagpapanggap bilang Filipino gaya ni dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo.
Ayon kay Hontiveros, si Sy na chairman ng mining company Global Ferrocickel Holdings Inc., ay ikinulong kamakailan ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa uamno’y hawak nitong mapanlinlang na mga dokumento ng pagkakilanlan ng Pilipinas.
Kinumpirma ng BI na si Sy ay ang Chinese na kinilalang si Chen Zhong Zhen, 60, na inaresto sa Ninoy Aquino Intenational Airport (NAIA) Terminal 3 noong Agosto 21 dahil sa maling pagpapakilala sa kanyang sarili bilang isang Filipino. Jocelyn Tabangcura-Domenden